GUSTONG MAGPABAKUNA DUMAMI – SURVEY

NAGALAK ang Malakanyang dahil tumaas na ang bilang ng mga nagnanais magpaturok ng bakuna laban sa COVID-19.

Base kasi sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS), pumalo na sa 45 porsyento ng mga Filipino o halos kalahati ang nagpahayag na handa silang magpaturok ng COVID-19 vaccine.

Sinasabing mas mataas ito kumpara sa 32 porsyentong naitala sa May 2021 survey.

“Kung hindi ako nagkakamali eh noong Talk to the People ..ako ang nagbalita kay Presidente noh? na sa Pulse Asia.. tumaas ng 40 something pero nagsimula yan ..parang 13 lamang noh? so, na-doble o na-triple iyong mga numero na nais na magpabakuna at ito naman po ay corroborated by the SWS, halos pareho lang sila na 43% na nga po ang payag na magpabakuna,” ayon kay Sec. Roque.

“So, malaking taas na po yan sa mga naunang datos at nagpapakita na tama rin ang mga naunang SWS survey na tataas ang kumpiyansa ng mga Filipino sa bakuna kapag nakita nila na iyong kanilang mga kapitbahay na mabakunahan na. Iyan po ang nangyayari ngayon,” dagdag na pahayag nito.

Giit ni Sec. Roque na hindi titigil ang gobyerno na hikayatin ang mamamayan na magpabakuna na laban sa COVID-19.

Kaugnay nito, naniniwala ang National Task Force Against COVID-19 at Department of Health na hindi sila mahihirapan maabot ang target na mabakunahan ang 70 percent ng populasyon ng bansa para makamit ang kinakailangan herd immunity para makontrol ang pagkalat ng coronavirus.

Sa tanong sa survey kung may pagkakataong mabigyan ng libreng bakuna, lumabas sa survey na 36 porsyento ang sumagot ng “will surely get it” at siyam na porsyento ang “will probably get it”.

Nasa 24 porsyento naman ang nagsabing “uncertain about it” o hindi tiyak kung magpapabakuna; 21 porsyento ang hindi handa kung saan 18 porsyento rito ang nagsabing “will surely not get it” at tatlong porsyento ang “will probably not get it”.

Napag-alaman din sa naturang survey na pitong porsyento ang nakatanggap na ng first dose ng COVID-19 vaccine habang tatlong bahagdan naman ang fully vaccinated o nakakuha ng second dose.

Isinagawa ang Second Quarter 2021 Social Weather Survey sa 1,200 adults sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa buong bansa mula June 23 hanggang 26, 2021.

Ang naturang survey ay may sampling error margins na ±3% para sa national percentage at ±6% naman sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas, at Mindanao. (CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL)

135

Related posts

Leave a Comment