NANAWAGAN si Senator Erwin Tulfo na pondohan ang pagbibigay ng health insurance at health card para sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), bilang pagkilala sa kanilang katapangan at sakripisyo para sa bansa, lalo na ang mga nakatalaga upang pangalagaan ang West Philippine Sea (WPS).
Iminungkahi ito ni Tulfo sa plenary deliberations ng Senado para sa 2026 budget ng PCG, matapos niyang binigyang-diin ang pangangailangan para sa mas pinalakas na medical benefits para sa mga tauhan ng PCG habang hinihintay ang pagkumpleto ng Philippine Coast Guard General Hospital, na inaasahang matatapos pagsapit ng 2028 upang magsilbi sa personnel at kanilang dependents.
“Tatlong taon pa pala bago matapos ang hospital nila. Dapat mabigyan po itong mga Coast Guard personnel natin ng parang health card para naman po may peace of mind ang mga sundalo po natin habang naka-deploy sa West Philippine Sea,” sabi ng senador.
Naitanong din niya: “‘Pag nagkasakit po ang ating Coast Guard, meron po bang mga medical benefits o coverages ang ating mga tauhan?”
“Mahirap po ‘yun. Nasa karagatan ka, tatawag si misis mo, magte-text na ‘si bunso, may sakit’—anong gagawin ko? Medyo madi-distract ako,” dagdag pa ni Tulfo, na nagsisilbi ring Auxiliary Commodore ng PCG.
Ibinunyag ni Senator JV Ejercito, sponsor ng budget ng ahensya, na kasalukuyang nakaasa lamang ang PCG personnel sa state insurer na Philippine Health Insurance Corporation dahil hinihintay pa ang pagkumpleto ng nasabing PCG General Hospital.
Para sa 2026, humiling ang PCG ng pondo para sa Emergency Medical Fund nito. Ngunit, ito ay hindi pinagbigyan ng Department of Budget and Management at hindi isinama sa National Expenditure Program na isinumite sa Kongreso.
“They’re working out there in the West Philippine Sea, binabangga-bangga yung kanilang mga barko. Baka madisgrasya pa. This is a serious matter. Kailangan po siguro talagang gawan natin ng paraan na mabigyan ng medical coverage ang every Coast Guard personnel,” pahayag ni Tulfo.
Matatandaang mula pa noong siya ay miyembro ng House of Representatives, isinusulong na ni Tulfo ang modernisasyon ng Coast Guard ng bansa, lalo na sa patuloy na tensyon dulot ng sigalot sa WPS.
Kamakailan lamang, kinilala rin si Tulfo ng PCG Auxiliary para sa kanyang dedikasyon at suporta sa Humanitarian Assistance and Disaster Response efforts nito.
77
