Halaga ng panalo ng SMB sa 2022 PH Cup

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

MATAPOS ang mahigpitang pagtutuos sa pagitan ng San Miguel Beermen at Talk ‘N Text ­Tropang Giga para sa 2022 Philippine Cup ng 47th PBA, tinanghal na kampeon ang isa sa tatlong prangkisang pag-aari ng RSA (Ramon S. Ang) Group sa pinaka-prestihiyoso sa tatlong regular conference ng kauna-unahang liga propesyonal sa bansa at Asya.

Sa ika-10 PH Cup title, muling nakamit ng Beermen at ni coach Leo Austria ang karangalang matawag na “hari” ng first conference. Natuldukan din ng Beermen ang tatlong taon nilang pagkauhaw sa korona, mula noong 2019 kung kailan nag-umpisang manalasa ang COVID-19 pandemic.

Ang 2022 PH Cup ang ika-28 korona ng Beermen mula noong sumali sa PBA noong 1975, o 47 taon na ang nakararaan. San Miguel lamang ang kaisa-isa sa siyam na koponan noon na mula amateur status ay nakasama nang mag-pro na ang liga.

Tunay na makabuluhan ang panalo ng Beermen matapos mabuwag ang kanilang tinatawag na ‘Death Squad’ na binubuo nina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross, Marcio Lassiter at June Mar Fajardo. Matatandaang ipinagpalit si Arwind, MVP ng liga noong 2013, at Cabagnot sa pagsisimula ng 2021 season, para kina Fil-Tongan Mo Tautuaa, Vic Manuel ng dating Alaska Aces at Fil-American Simon Enciso.

Ngunit pinaka-mahalaga para sa 2022 All Filipino Cup champ, lalong-lalo na kay Boss RSA, ang muling pagsisimula sa kanilang kampanya para sa pangalawang Grand Slam, na unang nalasap ng kumpanya noong 1989 pa. Ang team na hawak noon ni coach Norman Black ay matagumpay na winalis ang Open, All Filipino at Reinforced ­Conference para maging pangalawa lamang sa Crispa Redmanizers, naging Grand Slam Champion noong 1976 PBA.

Pinangasiwaan ang Crispa ni team manager/owner Danny Floro, ka-tandem si coach Baby Dalupan, at dinomina ang First Conference, Second Conference at All Philippine Championship para makuha ng Redmanizers ang kauna-unahang Grand Slam title ng liga. Inulit nila ito noong 1983 matapos makoronahang kampeon ng All Filipino, Reinforced at Open Conference sa ilalim ni golfer-turned coach Tommy Manotoc.

At ngayong 47th season ng liga, tatangkain ng Beermen sunggaban ang pambihirang ­pagkakataon na makuha ang mailap na Grand Slam. At bagama’t mahirap, hindi ito imposible sa SMB, na mula 2014-2015 season hanggang noong 2019 ay limang beses nakopo ang PH Cup title.

187

Related posts

Leave a Comment