Hamon kay Pres. Marcos Jr. PILIPINAS PALAYAIN SA KATIWALIAN, GUTOM AT KASINUNGALINGAN

IPINANAWAGAN ng mga maralitang tagalungsod ang isang bansang malaya sa kahirapan, gutom, katiwalian at kasinungalingan sa pagdiriwang kahapon ng ika-125 Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas.

Sinabayan ng martsa ng ilang militante ang pagdiriwang kahapon upang ipaalala sa gobyerno ang trabaho nitong iangat ang buhay ng mga Pilipino.

Pinangunahan naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagdiriwang sa Quirino Grandstand, Manila.

“The heroes of our liberation would be proud to know that we have thrown off the ‘ominous yoke of domination’; never again to be subservient to any external force that directs or determines our destiny,” bahagi ng talumpati ng Pangulo.

Tiniyak din nito sa mga Pilipino na susuportahan niya ang malayang Pilipinas mula sa nakasisirang political at social conditions na posibleng magresulta sa pagiging bihag muli ng mga Pilipino.

Sinabi pa ng Pangulo na magagalak ang mga bayani ng nagdaang panahon dahil hindi na kailanman magiging sunod-sunuran ang Pilipinas sa anomang pwersang panlabas o mga bantang pananakop.

Hinikayat din ng Pangulo ang mga Pilipino na magnilay-nilay kung paano binago ng kalayaang ito ang kasaysayan ng Pilipinas.

Apela nito sa lahat na magkaisa, maging makabayan at magkaroon ng malasakit sa isa’t isa dahil iba na ang pangangailangan ng Pilipinas.

Pinangunahan naman ni Defense Secretary Gilberto “Gibo’ Teodoro ang wreath laying ceremony sa Mausoleum of the Veterans of the Revolution sa loob ng Manila North Cemetery.
Dito mariin niyang sinabi na ang Pilipinas ay para sa Pilipino, interes ng Pilipino ang dapat manguna.

‘Di pa tapos
laban ni Boni

Hindi pa tapos ang laban ni Gat Andres Bonifacio at iba pang Pilipino na nagbuwis ng buhay para makamit ang kalayaan ng Pilipinas, 125 taon na ang nakaraan, hanggang marami pa ang naghihirap na mamamayan.

Ito ang mensahe ni House Speaker Martin Romualdez matapos pangunahan ang selebrasyon sa Monumento ni Bonifacio sa Caloocan City.

“Sa ganang akin, hindi pa tapos ang laban ni Gat Andres at iba pa nating bayani. Walang ganap na kalayaan kung may naghihirap pa rin sa lupang tinubuan,” ani Romualdez.

Ang laban aniya para sa kalayaan ay hindi lamang sa himagsikan laban sa mga mananakop kundi laban din ito para wakasan ang kagustuhan at maranasan ng mga Pilipino ang ginhawa sa buhay.

Sinugod naman ng mga militanteng grupo sa pangunguna ng Bayan ang Embahada ng China sa Makati City para ipaalala sa nasabing bansa na pag-aari ng Pilipinas ang inaangkin nilang teritoryo sa West Philippine Sea.

Sa Mendiola, Manila naman ay may mga grupong nagsagawa ng tila prayer rally para ipanalangin na “Huwag pabayaan na ang Pilipinas ay walang pakundangang inaagawan ng teritoryo sa kapinsalaan ng mga mamamayang Pilipino”.

Samantala, hindi bumenta kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang mensahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na hindi magiging sunod-sunuran ang Pilipinas sa foreign powers.

Ayon kay Brosas, walang katotohanan ito dahil mas pinalakas pa ni Marcos ang presensya ng American forces sa Pilipinas at hindi nakikita ang agresyon ng China sa WPS.

“Though we claim to be free, we are still being controlled by superpowers like the US and China. They manipulate our economy, dictate our foreign policies, and violate our sovereign rights. This is not true freedom,” ayon naman kay ACT party-list Rep. France Castro. (JESSE KABEL RUIZ/CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

231

Related posts

Leave a Comment