SINO ba naman ang ayaw sa kaunlaran lalo pa’t iyan ang hanap ng bayan? Sa gawing Pagsanjan sa Lalawigan ng Laguna, iyan mismo ang inaasahan sa pagsibol ng isang dalubhasa pagdating sa aspeto ng pagpapaunlad gamit ang ano lamang ang nariyan.
Bilang pambungad, 16 na barangay patrol vehicles ang inihandog ni Kuya Cesar Areza sa 16 na barangay na bumubuo sa bayan ng Pagsanjan, sa layong palakasin ang maliliit na pamayanan na naging sandigan ng munisipalidad.
Ani ng mga kapitan, mukhang dumating na ang matagal na nilang hinihintay – ang isang lider na gagabay sa bayan patungo sa inaasam na kaunlaran, kasabay ng pagtukoy kay Chairman Areza, isang negosyanteng tanging husay ang bertud sa tagumpay ng sariling kumpanyang Areza Group of Companies.
Tulong sa Barangay
Sa isang simpleng seremonyang dinaluhan ni Metropolitan Manila Development Authority Spokesperson Asec. Celine Pialago sa CLA Mall sa Barangay Biñan, malugod na tinanggap ng mga kapitan mula sa 16 na barangay ng Pagsanjan ang kani-kanilang patrol vehicles na higit na kailangan sa gitna ng krisis na dala ng pandemya.
Ang mga biyaya mula kay Kuya Cesar ay tinanggap ng mga punong barangay na sina Ricardo Fabian, ng Pob I; Rod Fernandez ng Pob II; Anibong – Edilberto Abinsay; Biñan- Teresita Principe; Buboy – Reynaldo Almonte; Cabanbanan- Aurora Priola; Calusiche – Dandy Davac; Dingin – Rico Caballes; Layugan -Rhea Yokoe; Lambac – Ricardo Caballes; Magdapio -Ronnie Leron; Maulawin -Jonathan Almontero; Pinagsanjan – Emerlito Javiniar; Sampalocan – Noogine Pabilonia; Sabang – Ariel Javier at San Isidro – Antonio Aquino Sa pahayag ni Areza, simple lang ang kanyang hiling sa mga nanungkulan – manatiling tapat sa sumpa ng isang lingkod-bayan.
Batid din aniya ang hirap na kinakaharap ng mga nanungkulan lalo pa’t limitado lamang ang pondo ng barangay na kanilang pinamumunuan. Kaya naman kumpiyansa si Areza ang kanyang munting handog na patrol vehicles sa mga barangay ay lubos na pakikinabangan sa paghahatid ng mga pasyente patungo sa pagamutan at gayun din sa pagpapatrolya sa kanilang nasasakupan.
Pagtitiyak pa ni Areza, hindi ito ang una’t huling tulong na kanyang ibabahagi sa mga barangay. Pahabol pa niya, sagot niya na ang rehistro ng mga nasabing patrol vehicles.
“Marami pang kasunod yan,” ani Areza sabay turo sa paitaas na tila pahiwatig na nais lamang niyang ibahagi ang tinatamasang biyaya mula sa “lumikha.”
Pangarap ni Kuya Cesar
Ayon sa chairman ng Areza Group of Companies, hangad niya hindi lamang ang pag-unlad ng Pagsanjan kundi maging ang mamamayan sa nasabing bayan.
Gayunpaman, nilinaw niyang hindi sapat ang pag-unlad ng bayan kung ang mamamayan ay maiiwan.
Kung siya aniya ay pagbibigyan, nais niyang ilahad ang kanyang tinahak na daan patungo sa tagumpay ng kanyang kabuhayan nang sa gayon ay maging sandigan ng iba pang nais kumawala sa kahirapan.
Aniya, hindi madali ang kanyang naranasan bagamat kumbinsido siyang ang lahat ay may magandang kinabukasan kung maniniwala sa kakayahan at sasabayan pa ng determinasyon, pakikipagkapwa-tao, sakripisyo at pananalig sa Panginoong Diyos.
Kasabay nito, tiniyak ni Areza na hindi ito ang una at huli ng kanyang suporta sa mga residente ng Pagsanjan sapagkat ito ay panimula pa lamang.
Hamong Magnegosyo
Bukod sa mga patrol vehicles, hamon din ni Areza sa mga kababayan na pasukin ang negosyo, kasabay ng pagtitiyak na kanyang tutulungan sinumang nais sundan ang daang kayang tinahak patungo sa kanyang kinalalagyan.
Aniya, bukod sa pagiging isang dealer ng Hyundai, Hino, Suzuki at iba pang uri ng mga sasakyan sa Laguna at Cavite, may iba pa siyang mga negosyong pwedeng-pwedeng lahukan kung saan garantisado aniya ang pag-unlad basta’t determinado.
Wala rin aniyang pinipiling estado ang pagpasok sa negosyo, ordinaryong tao, pangkaraniwang empleyado, walang trabaho, OFW o kahit sino pang may pangarap, may puso.
Kwento pa niya, siya man ay nagsimula sa wala sabay hamon. Katunayan aniya, simple lang ang pangarap niya: ang makapagpundar ng isang motorsiklo.
Kaya naman aniya ang nais niya, ang kanyang buhay magsilbing inspirasyon sa higit pang maraming kapwa tao – “Kung nagawa ng iba, ikaw pa kaya?”
Abot-Kayang Karne
Bukod sa mga handog na patrol vehicles, nais din ni Areza – sa tulong ni Asec. Pialago – na tiyakin ang walang putol na suplay ng murang karne sa kanilang lokalidad.
Pagtitiyak pa ni Areza, abot-kayang karne ang kanilang ihahain sa mga residente ng Pagsanjan sa tulong ni Asec. Pialago. Lingid sa kaalaman ng marami, maging ang tagapagsalita ng MMDA ay isa ding negosyante. Katunayan aniya, isa itong supplier ng murang karne sa merkado.
Kaya naman aniya, pagtutulungan nila ni Pialago ang pagtitiyak ng suplay ng mura at de kalidad na karne sa iba’t ibang sulok ng Pagsanjan.
Maglalagay rin aniya sila ng isang depot sa CLA Mall na pag-aari ni Areza kung saan maaaring umangkat panindang karne ang mga maliliit na negosyante.
Suporta ng mga Negosyante
Dagsa naman ang suportang paabot ng hindi bababa sa 1,000 negosyanteng lubhang nalugod sa Malasakit Movement na inilunsad ni Areza hindi lamang sa Pagsanjan kundi maging sa mga karatig-bayan.
Anila, hindi biro ang ginagawang malasakit at sakripisyo ni Areza na tulad ng iba pang negosyante ay apektado sa pagkakahimpil ng kabuhayan bunsod ng patuloy na banta ng pandemya.
Tugon naman ni Areza, ang tulong hindi dapat magtapos sa pagbibigay ng isda. “Hindi lang natin sila bibigyan ng isda. Tuturuan din natin silang mangisda!”
