HERD IMMUNITY POSIBLE NGAYONG 2021 – DUQUE

TINIYAK ni Health Secretary Francisco Duque III sa Senado na kakayanin ng Pilipinas na makamit ang herd immunity laban sa corona virus 2019 (COVID-19) kung sapat ang suplay ng bakuna.

Sa kanyang pagdalo sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee of the Whole sa pamumuno ni Senate President Vicente Sotto, sinabi ni Duque na kung kakayanin ng manufacturer, maaaring magkaroon ng herd immunity sa taong ito.

“Kung kakayanin ng mga manufacturer…best case scenario ay makakamit natin ang herd immunity po ngayong taon,” ayon kay Duque.

Iniimbestigahan ng Senado ang vaccination plan ng pamahalaan sa harap ng bagong banta ng COVID-19 variant na unang natuklasan sa United Kingdom at kumalat na sa ilang bansa.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Duque na maraming aspeto ng vaccination plan ang nailatag ng Department of Health (DOH) at pamahalaan sa kabuuan upang makapagsimulang magbakuna sa Pebrero sa taong ito.

Aniya, base sa isinasagawang negosasyon sa lahat ng gumagawa ng bakuna, maaaring mapabakunahan ang mahigit 70 milyong Pilipino.

“Based on our current negotiations, we are on track to provide the immunization services to 50 to 70 million Filipinos, provided that the global supply of vaccines are sustained or even increased within this year,” dagdag niya.

Naunang ibinandila ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 chief and vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na umabot sa 80 porsiyento ng bakuna ang nabili ng mayayamang bansa.

Ngunit, tiniyak ni Galvez na gumagawa ng pamamaraan ang pamahalaan upang makabili sa natitirang suplay ng bakuna. (ESTONG REYES)

93

Related posts

Leave a Comment