PINAPA-OVERHAUL sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang budgeting system ng gobyerno upang masiguro na magagamit ang pondong inilalaan sa isang proyekto at programa at maramdaman ng mamamayan ang epekto nito.
Tinawag ni Leyte Rep. Martin Romualdez na “Budget Modernization Act” ang nilalaman ng kanyang House Bill (HB) 11 na naglalayong mapabilis umano ang serbisyo ng gobyerno at maiwasan ang pag-aaksaya ng pera ng bayan.
“Bawat sentimo sa national budget ay pera ng taongbayan. Kailangan magamit ito nang mabilis, tapat at may malinaw na resulta para sa mga Pilipino, lalo na sa mga nangangailangan,” ani Romualdez.
Ginawa ang panukala dahil maraming proyektong imprastraktura ang pinondohan subalit hindi agad nagagastos na nagiging dahilan para ma-delay ang implementasyon o kaya hindi na-implementa nang tuluyan.
Upang maiwasan ito, oobligahin ang lahat ng ahensya ng gobyerno na ipatupad ang proyekto sa loob ng fiscal year kung kailan ito pinondohan.
“Kapag may pondong inilaan para sa eskwelahan, dapat may maitayong silid-aralan. Kung may budget para sa kalsada, dapat may daang natatapos. Hindi pwedeng puro plano, walang resulta,” ayon pa kay Romualdez.
Layon din umano ng panukala na resolbahin ang isyu sa tinatawag na ‘parked funds’ o pondo na inilalagay muna sa isang ahensya ng gobyerno subalit gagamitin ito sa ibang bagay na hindi nalalaman ng publiko.
Upang maiwasan aniya ang katiwalian sa government projects, kailangang gumagamit na ng digital public finance management system ang mga ahensya ng gobyerno kung saan nakadetalye dito ang bawat sentimos na nagagastos ng mga ito.
(BERNARD TAGUINOD)
