DAPAT mapakatotoo umano ang gobyerno sa vaccination program at huwag paasahin ang taumbayan na makakamit na ng bansa ang herd immunity pagdating ng Nobyembre at Disyembre.
Ito ang apela ni ACT party-list Rep. France Castro sa gobyerno partikular na kina vaccine czar Sec. Carlito Galvez at Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.
“Nakakalungkot ang mga reports, sinasabi na by December sana ay ma-achieve na natin ang 70% o ang herd immunity. Pero ang rate ng pagbabakuna, tapos ang pagdating ng mga bakuna dito sa atin ay talagang napakabagal,” ani Castro.
Sa computation umano ng mga ito, kung hindi mababago ang kabagalan ng pagbabakuna, aabot umano ng 15 taon bago makamit ng bansa ang herd immunity taliwas sa sinasabi ng gobyerno na hanggang Disyembre ito.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil mula Marso 1, 2021 nang simulan ang pagbabakuna, mahigit 2 milyon Pinoy pa lamang ang nababakunahan at hindi pa kasama rito ang lahat ng 1.7 million medical practioners.
“Kaya sa tingin ko nagsisinungaling si Galvez at si DOH Secretary tungkol doon sa mga target na sinasabi nila, sinabi pa nila lately na worst scenario daw na first quarter ng 2022 makakamit ang herd immunity,” ani Castro.
Maliban dito, hindi pa aniya handa ang lahat ng vaccine facilities dahil mula sa target na 4,500 na dapat itayo ay mahigit 3,000 pa lang umano ang kanilang naitatayo.
Dahil dito, inaasahan na mangangarag umano ang gobyerno sa sandaling magdatingan na ang mga bakuna sa bansa.
“Kaya talagang china-challenge natin ang Duterte administration na kung talagang gusto ninyo masolve ang krisis natin sa pandemyang ito sa COVID-19, ay talagang dapat tapatin niyo ang ating mamamayan kaugnay ng pagbabakuna at maging tapat tayo sa paglilingkod sa ating mamamayan,” dagdag pa ng mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
