HIGH BRANDS MANILA INIREKLAMO SA PUNA

SUNOD-SUNOD na nakatanggap ng reklamo ang PUNA mula sa mga nabiktima ng nagngangalang HIGH BRANDS MANILA na nagbebenta ng t-shirts na may tatak na ‘Lacoste’ sa pamamagitan ng online selling.

Base sa post ng HIGH BRANDS MANILA sa Face­book ay nag-aalok sila ng “UP TO 50% to 70% DISCOUNT” sa kanilang mga produktong t-shirts na Lacoste.

Ayon sa post ng ­kumpanyang ito ang “PROMO SALE BUNDLE” nila ay “BUY 1 LACOSTE POLO OR T-SHIRT MEN & WOMEN FOR ONLY (PHP 1299) at “BUY 2 LACOSTE POLO OR T-SHIRT MEN & ­WOMEN FOR ONLY (PHP 1799).

Kung makikita nga naman ng tao ang promong ito na mula 50% hanggang 70% ang discount, abay, makukumbinsing bumili dahil sa laki ng bawas mula ­sa dating presyo nito.

Maaaring ang tunay na presyo nito kung walang discount ay mula P4K hanggang P5K

Kaya naman nakumbinsi ang ating source na si Mang Johnny na omorder ng polo shirt na kulay Navy Blue mula sa High Brands Manila.

Nitong nakaraang ­Agosto 19 dakong alas-3:49 ng hapon ay nakipagtransak­syon si Mang Johnny sa High Brands Manila para bumili ng t-shirt na gusto niya.

Pinili niya ang “BUY 2 LACOSTE POLO OR T-SHIRT MEN & WOMEN FOR ONLY (PHP 1799)”.

Agad namang sumagot itong HIGH BRANDS MANILA kay Mang Johnny na “CASH ON DELIVERY, 2 TO 4 DAYS DELIVERY” at sinabi pa nilang free shipping.

Nakalipas na ang “2 TO 4 DAYS DELIVERY” ay hindi pa rin naide-deliver ang nasabing order na t-shirt ni Mang Johnny kaya minessage niya ang HIGH BRANDS MANILA at sinagot nitong “NASA TRANSIT NA SIR ECQ LANG PO KAYA MEDJO NATATAGALAN PO MGA PARCEL”.

Noong Agusto 25, dumating ang order ni Mang Johnny at nang buksan niya ay nakita niyang butas ang t-shirt na kulay Navy Blue at hindi rin nasunod ang isang kulay na order.

Bukod sa butas ang idineliber na t-shirt ay halata ring mga peke ito.

Sa pangyayaring ito ay minessage ni Mang Johnny ang HIGH BRANDS MANILA sa gamit nilang Facebook page, subalit hindi na ito nag-reply sa kanya.

Duda ni Mang Johnny baka blinock na siya ng HIGH BRANDS MANILA.

Isa pang reklamo ang nakarating sa PUNA mula sa Parañaque City na parehas sa pangyayaring ito na omorder din sa HIGH BRANDS MANILA.

Mistulang basahan daw ang idineliber sa kanyang t-shirt mula sa ONLINE SELLING company na ito.

Hindi raw siya nakuntento sa mahal ng kanyang binayaran sa dumating sa kanyang inorder na t-shirt.

Paging Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez at Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan, mga sir,

kung sakop n’yo po ang mga ganitong pangyayari, sana maaksyunan n’yo po ito nang hindi na dumami pa ang kanilang mabiktima.

Kawawa naman ang mga tao na nabibiktima nila, wala silang kalaban-laban, ni hindi man lang nila magagamit ang kanilang mga nabiling damit.

Ano po ba ang mga patakaran sa mga ganitong online selling?

Sana po gumawa ng babala ang mga kinau­ukulan sa pamamagitan ng social media laban sa mga mandarayang negosyanteng gamit ang online selling.

Dapat ang mga ganitong nag-o-online selling ay makikita ang kanilang mga address at contact numbers.

Sinikap ng PUNA na makuha ang contact number ng HIGH BRANDS MANILA para makuha natin ang kanilang panig ay wala po tayong nakita sa kanilang FB page.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com.

153

Related posts

Leave a Comment