PAMPANGA – Tinatayang nasa P1.07 milyong ang halaga ng high grade marijuana o kush ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs noong Miyerkoles ng umaga sa isang parcel sa Port of Clark sa lalawigan.
Ang parcel, na naka-label bilang “Cruxdenim Reinforced Seat Trail Jeans” mula Los Angeles, California, ay na-flag sa routine profiling ng Bureau of Customs.
At nang idaan ito sa pagrerekisa ng PDEA agents at anti-drug sniffing dogs ay nakumpirma ang presensya ng droga sa nasabing kontrabando.
Sa 100 percent physical examination ay nadiskubre ang 712 gramo ng suspected kush na nakapaloob sa parcel.
Ang nasamsam na droga ay ipadadala sa PDEA Central Luzon para sa laboratory at forensic examination.
Sa hiwalay na operasyon, nasamsam din ng PDEA at BOC ang mga parcel na naglalaman ng suspected hemp at morphine. Ang hemp parcel mula Wilmington, Delaware, US, na dumating noong Enero 6, ay naglalaman ng gummies at capsules, habang ang morphine parcel mula England, UK, na dumating noong Enero 9, ay isinailalim sa pagsusuri. Parehong ipinasa ang mga ito sa PDEA National Headquarters para sa karagdagang laboratory examination.
Ayon kay PDEA Director-General Isagani Nerez, bagama’t ginagamit ang morphine bilang pain reliever, ito ay itinuturing na dangerous drug dahil sa mataas nitong potensyal sa abuso.
(JESSE RUIZ)
4
