NANUNGKIT NG MANGGA, SEKYU NAKURYENTE

CAVITE – Nasawi ang isang 25-anyos na security guard makaraang nakuryente habang nanunungkit ng bunga ng mangga sa isang playground area sa loob ng isang subdibisyon sa Bacoor City noong Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa ulat, walang buhay na natagpuan ang biktimang si alyas “Francis”, ng Brgy. Molino VI, Bacoor City, sa itaas ng puno ng mangga.

Ayon sa salaysay ni alyas “Gallardo”, isang retiradong seafarer, nakarinig siya ng malakas na pagsabog na hinihinalang dulot ng power line explosion kasunod ng pagkawala ng kuryente sa lugar bandang alas-2:00 ng hapon.

Pinuntahan nito ang pinagmulan ng pagsabog at nakita niya ang wala nang buhay na biktima sa itaas ng isang puno ng mangga sa playground area.

Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya, nangunguha ng mangga ang biktima gamit ang isang panungkit nang dumikit ang bakal na bahagi nito sa live electrical wire.

(SIGFRED ADSUARA)

2

Related posts

Leave a Comment