NADAKIP ang isang notoryus na drug personality sa ikinasang anti-narcotics operation ng mga tauhan ni PNP-Police Regional Office 5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo sa Sitio Panorama, Brgy. Poblacion, Cawayan, Masbate.
Sa ulat na isinumite kay Gen. Estomo mula sa Placer PNP, kinilala ang nadakip na high value target na si Jomer Perolina y Tayong alyas “Jonas,”
23, residente ng Sitio Bagtik, Brgy. Divisoria, Cawayan, Masbate.
Si Perolina, itinuturing na isang regional level high value individual, ay nakumpiskahan ng 50 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na aabot sa P340,000.
Una rito, matapos ang case build-up at ilang test and surveillance operation ay inilatag ng mga tauhan ng Placer Municipal Police Station ang buy-bust operation laban sa suspek.
Si Perolina ay dati umanong kasabwat ni Neljun Lepasana, isa ring notorious na tulak ng ilegal na droga na unang nadakip sa isang drug buy-operation ng PNP noong Hulyo 4, 2021.
Ang nadakip ay nakatuon ang distribusyon ng ipinagbabawal ng droga sa bayan ng Placer at Cawayan na ang drug supply ay mula umano sa Masbate City at Cebu City.
Pansamantalang nakadetine sa Cawayan MPS ang suspek para sa kaukulang disposisyon at habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Tiniyak ni Gen. Estomo, katuwang ang PDEA-5, na mas paiigtingin pa ng kanilang hanay ang operasyon kontra ilegal na droga na madalas nagiging ugat ng paglaganap ng kahirapan at kriminalidad sa buong rehiyon.
“Makakaasa ang komunidad sa isang mas matatag na ugnayan nang iba’t ibang sektor ng pamahalaan upang mailayo sa impluwensya ng droga ang bawat Bicolano,” pahayag ni P/BGen. Estomo. (JESSE KABEL)
549 