CAVITE – Tatlo katao ang inaresto ng Cavite Police dahil sa hinihinalang paglalagay ng lason sa feeds na nagresulta sa pagkamatay ng mahigit isang daang mga ibon at sasabungin na manok sa bayan ng Alfonso sa lalawigang ito, noong Martes ng umaga.
Nahaharap sa kasong cruelty to animal (alleged poisoning), at paglabag sa Animal Welfare Act, at malicious mischief ang mga suspek na sina alyas “Jojo”, “Alvin” at “Jake”, pawang nasa hustong edad, dahil sa reklamo ng may-ari ng mga ibon at mga sasabunging manok.
Ayon sa reklamo ng may-ari, mahigit isang daang mga ibon at sasabunging manok ang namatay na hinihinalang pawang nilason.
Nabatid naman sa salaysay ni alyas “Dennis”, caretaker sa farm sa Brgy. Taywanak Ilaya, Alfonso, Cavite, kay Police Staff Sergeant Boyet Soriano, dakong alas-7:00 ng umaga noong Martes nang magpakain siya ng mga alagang sasabunging manok, pero pagsapit ng alas-10:00 ng umaga nang mapansin niyang tila nanghihina at may sakit ang mga ito.
Dahil dito, agad nitong tiningnan ang container na pinaglagyan ng feeds at napansin na tila may mga bakas ng black powder na inihalo sa feeds.
Agad nitong kinunan ng video at ipinadala sa kanyang amo na sinabihan siya na kumuha ng sample ng feeds pero pagbalik nito sa feed storage ay naaktuhan niya si alyas “Jojo” na tila may inihahalo sa feeds habang ang dalawa pa nitong kasama ay tumutulong sa paghahalo.
Dahil dito, agad nitong ipinaalam ang kanyang nasaksihan sa kanyang amo na siyang humingi ng police assistance na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlo.
Kumuha sila ng feed samples at mga patay na ibon at manok na ipinadala sa RITM para ipasuri upang mapagtibay ang alegasyon na sinadyang pinatay ang mga ibon at manok.
(SIGFRED ADSUARA)
