BULACAN – Umabot sa P21 milyong halaga ng butane canisters ang nakumpiska ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa isang warehouse sa bayan ng Sta. Maria sa lalawigan noong Martes, Hulyo 15.
Sa bisa ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) ng Malolos, Bulacan, sinalakay ng PNP-CIDG) Regional Field Unit 3, katuwang ang Regional Special Operations Group at Sta. Maria MPS, ang warehouse sa Brgy. Pulong Buhangin, dakong alas-3:00 ng hapon.
Nag-ugat ang pagsalakay makaraang dumulog sa CIDG ang abogado ng complainant kaugnay ng sinasabing pagho-hoard ng warehouse sa mga butane canister na nagmula pa sa Cebu at Mindanao.
Ayon kay P/Lt. Mark Louie Tamayo, assistant chief ng CIDG RFU 3 Investigation Section, nagsagawa sila ng serye ng surveillance at validation sa lugar at nang magpositibo ang sumbong ay sinalakay ang nasabing warehouse kung saan nakumpiska ang 400,000 piraso ng butane canisters.
Paliwanag ng legal counsel ng complainant na si Atty. Vincent Roel Tabuñag, milyon-milyong piso ang nawala sa kanilang kita dahil nawawala ang kanilang butane canisters sa ilang dealer at distributor sa mga lugar ng Visayas at Mindanao na dapat ay umiikot lang sa merkado ang kanilang produkto dahil refillable ang mga ito.
Napag-alaman na pagmamay-ari umano ng dating kongresista ang nasabing warehouse na kakumpetensya ng complainant sa industriya.
Samantala, nahaharap sa patong-patong na reklamo ang limang sangkot na indibidwal dahil sa paglabag sa RA 623 na inamyendahan ng RA 5700, o Hoarding and Possession of Butane Canisters Protected by Law, Trademark Infringement at Unfair Competition.
(TOTO NABAJA)
