OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
HUMIHINGI ng agarang tulong ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na si Thelma Bibat, kasalukuyang nagtatrabaho sa Jeddah–Taif, Saudi Arabia, matapos umanong makaranas ng pangmomolestiya at pananakot mula sa anak ng kanyang amo.
Ayon sa salaysay ni Thelma, siya ay kasalukuyang naka-deploy sa pamamagitan ng Network Management Resources Corporation bilang local agency sa Pilipinas, at Golden Excellence Agency Recruiting bilang Foreign Recruitment Agency (FRA) na matatagpuan sa Alqamarih, Taif, Saudi Arabia, partikular sa Al Mashouri Building.
Ang insidente umano ay naganap habang siya ay naglilingkod bilang tagapag-alaga ng isang matandang babae o “lola” sa tahanan ng kanyang amo.
Isiniwalat ng OFW na ang anak ng kanyang amo ay paulit-ulit umanong gumagawa ng malaswang kilos at pananalita laban sa kanya.
Katunayan ay nakapagpadala si OFW Thelma ng video sa OFW Juan na kung saan ay siya ay pinipilit na gawan ng malaswa ng kanyang batang amo.
Bukod dito, siya ay tinakot pa umano na kung sakaling biglang pumanaw ang kanyang inaalagaang matanda, siya raw ang ididiin at isusumbong sa pulisya, isang banta na labis na nagdulot ng takot at pangamba sa kanyang kaligtasan at kinabukasan bilang isang migranteng manggagawa.
Dahil sa pangyayaring ito, ang pangunahing Request for Assistance (RFA) ni OFW Thelma ay mailipat agad ng employer upang maiwasan ang anomang panganib at tuluyang maprotektahan ang kanyang dignidad at karapatan bilang isang manggagawa.
Ayon sa kanya, hindi na siya komportable at natatakot na manatili sa kasalukuyang tahanan na kanyang pinagtatrabahuan.
Nanawagan si OFW Thelma sa kinauukulang mga ahensya ng pamahalaan ng Pilipinas, kabilang ang Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Saudi Arabia, na agarang aksyunan ang kanyang kalagayan.
Iginiit niya na mahalagang maprotektahan ang mga OFW, lalo na ang mga kababaihan, laban sa pang-aabuso, pananakot, at anomang uri ng karahasan sa kanilang pinagtatrabahuan.
Ang kasong ito ay muling nagpapaalala sa kahalagahan ng mas mahigpit na pagbabantay sa kalagayan ng mga OFW sa ibang bansa at ng agarang pagtugon sa mga reklamo upang matiyak ang kanilang kaligtasan, karapatan, at dignidad bilang mga modernong bayani ng bansa.
2
