HINAGPIS NG OFW SA SAUDI PAG-UUSAPAN SA UP UP PILIPINAS

MISTULANG almusal, pananghalian at hapunan ko na ang pagtanggap ng mga sumbong at reklamo mula sa ating mga kabayani sa ibang bansa.

Pinakamababa na ang 50 mensahe mula sa aking messenger, email at viber ang aking natatangap, maliban pa rito ang mga tawag sa IMO at Whatsapp sa madaling araw.

Malimit na sinasamantala ng ating mga kabayaning kasambahay ang pagtawag sa hating-gabi sa ibang bansa habang ang kanilang mga employer ay natutulog na rin, samantala ito ang mga oras na dapat sana ako ay mahimbing na natutulog.

Ugali ko ang hindi magpatay ng aking cellular phone at katabi sa aking higaan.

Noong ako ay nasa Kuwait pa ay sinubok ko na magpatay ng aking telepono sa gabi para hindi maabala ang aking pagtulog, ngunit simula ng nagkaroon ng isang insidente na may isang OFW na sumubok na tumawag dahil nasa panganib ang kanyang kalagayan ngunit hindi ko nasagot ang telepono, ay sobra akong nanlumo at na-guilty.

Kung kaya, simula noon ay hindi ko na magawang iwan o patayin ang telepono para masigurong walang makakalagpas na tawag sa panahon na sadyang kailangan.

Isa sa aking natangap na mensahe sa linggong ito ay mula sa mga kasambahay na nasa Riyadh, Saudi Arabia. Ayon sa kanilang mensahe ay tatlo silang nagtatrabaho sa kanilang employer na si Ahmed al Shareef.

Ayon kay OFW Abarquez Marcelina Pineda, dumating sila sa Tabuk, Saudi Arabia sa pamamagitang ng ahensyang Global Asia Alliance Inc. Sa simula ay maayos naman ang kanilang sitwasyon at sa katunayan ay natapos na nila ang kanilang dalawang taon na ­kontrata noon pang Pebrero 2020.

Tiniis nila ang mabababang buwanang sweldo na SR 1,500 at hindi libre ang kanilang pagkain. Sobrang nakiki-usap ang ating ­kabayani pati na rin ang kanyang pamilya na sila ay matulungan ng POLO at ng kanyang ahensya na sila ay maka-uwi na sa Pilipinas.

Narito pa ang ilang bahagi ng kanyang sumbong na ipinadala sa akin. “alam na po ng Agency sa pinas po ang nanyari sa amin dito pero wala pong action.

Tumawag na rin po kami sa POLO at

Embassy pro wala rin po.. ang Agency namin dito sa Saudi ay sarado din po. kaya nga po nag post kami sa social media para makarating sa government sa pinas na matulungan kami kasi dito tumatawag na kami pero wala paring action.”

Aking ipinadala na sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at ­Philippine Overseas Labor Office (POLO) ang kanilang sumbong at paghingi ng tulong at umaasa ako na makikipag-ugnayan ang ahensyang Global Asia Alliance Inc. para sa kanilang madaliang pag-papauwi sa Pilipinas dahil ang ahensya sa Saudi Arabia na Dar alkharj Recruitment diumano ay sarado na kung kaya hindi na sila matulungan nito.

Samantala, ang lahat ay aking iniimbitahan na makinig at manood sa aming programang Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran (UP UP PILIPINAS) ngayong gabi ganap na alas-6 hangang ika-7 ng gabi. Ang programang UP UP PILIPINAS ay pinangungunahan ni Colonel Gerry Zamudio ng Philippine Airforce at ako bilang kanyang co-host.

Bisita po namin ngayong gabi si POEA Administrator Bernard Olalia at kasama rin bilang media panel ang mga kaibigan sa media na sina Bong Concha, Ma Fe ­Nicodemus, Bhong David, Junel Tomes at Florante Rosales.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.

193

Related posts

Leave a Comment