Sa sinabi ni Pangulong Duterte sa insidente sa Reed Bank na “little maritime accident,” tila minamaliit niya ang sinapit ng 22 mangingisdang binangga ng isang Chinese fishing vessel. Pati ang mga miyembro ng gabinete ng pangulo ay sunud-sunod na nagpahayag ng pagmamaliit sa pangyayari, na wala man lamang pinakitang malasakit at pagtatanggol sa ating mga maliliit na ma¬ngingisda.
Hindi man lamang tinulungan ng mga nakasanggi na Tsino ang mga Pinoy, at hinayaan lamang silang lumubog at lumaban para sa kanilang buhay. Kung hindi pa sa mga Vietnamese na mangingisda na tumulong, malaki ang tsansa na hindi nakaligtas ang ating mga mangingisda.
Kaya naman nakakadismaya ang pahayag ng pa¬ngulo at ng mga tagasunod nito. Wala na ngang malasakit sa ating mga kababayan, wala pang pagpapahalaga sa ating soberanya at mga teritoryo. Ang naidudulot ng ganitong pagwawalang-bahala ay ang mas mada¬ling paghuhugas-kamay ng China sa pangyayari, at sa lalo pang lakas ng loob nito na apihin ang ating mga kababayan.
“Kneel or War” foreign policy ang pinapairal ni Duterte sa China. Kumbaga, paninikluhod lamang ang kayang gawin ng ating go¬byerno para hindi raw tayo giyerahin ng higanteng bansa. Ang katotohanan, palusot lamang niya ito upang itago ang kanyang pagkatuta sa China. Ang talas ng dila at pagkabayolente na ginagamit niya para sa ordinaryong mga tao pero bahag at putol para sa amo nitong China.
Hinahamon natin si Pangulong Duterte na ilabas ang tapang at paninindigan para sa ating bayan at iwaksi ang maka-China nitong mga kontrata at pagpostura. Gayundin, hinahamon natin ang militar at ang mga pinuno ng AFP na ipagtanggol ang ating teritoryo at soberanya sa mga dayuhan, na ang buod ng kanilang trabaho bilang mga sundalo. Panawagan din natin sa lahat ng patriyotikong mga opisyal at mamamayan na magsalita at tumindig para sa ating bansa, teritoryo, at soberanya. (Kakampi Mo ang Bayan /TEDDY CASIÑO)
