BISTADOR Ni RUDY SIM
IKAW ba ay tambay at walang silbi sa buhay? Gusto mo bang kumita ng pera kahit nasa bahay ka lang? Ano pang hinihintay mo! Aba, maghanap ka ng trabaho, bwisit ka! Lahat tayo ay nangangarap na gumanda ang kinabukasan ng ating mga mahal sa buhay at magkaroon ng disenteng trabaho at kita na galing sa ating pinaghirapan.
Ngunit sa panahon ngayon, ano man ang inyong natapos at narating sa buhay, ay napakahalaga pa rin sa isang tao na magkaroon ng disiplina sa sarili na halos wala na sa ating mga kabataan ngayon dahil sa makabagong takbo ng uri ng pamumuhay. Hindi naman masama na magpakita ng karangyaan ngunit para sa mga public servant, hindi pa rin magandang tingnan na halos isapubliko ang kanilang mamahaling sasakyan, gadgets at kasuotan dahil kung titingnan sa kanilang sinasahod ay kuwestiyunable kung saan nila ito kinukuha.
Sa mga nakalipas na panahon ay naging mainit sa mata ng publiko ang ilang pangunahing ahensya ng ating pamahalaan na hindi nawawala sa listahan ng most corrupt agencies, ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC) at ang Bureau of Immigration (BI) na siyang naiwan na lamang ngayon na wala pang napipisil si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maging commissioner. Sino man ang mapili ni PBBM ay panawagan pa rin ng mga kawani na magkaroon ng lider ang ahensya na mayroong malasakit sa mga empleyado, hindi katulad sa panunungkulan ng dating hepe rito na si Jaime Morente na halos isakripisyo ang kanyang mga tauhan mapagtakpan lamang ang katiwalian sa kanyang pamumuno.
Bagamat hindi pa bumabalik sa normal ang takbo sa BI dahil OIC lamang ang nagpapatakbo ng ahensya at limitado lamang ang kanilang kapangyarihan, ay nagtitiis pa rin ang maraming kawani sa kakarampot na sahod na kulang pa para sa pang araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya. Pero hindi apektado rito ang ilang opisyales ng ahensya na patuloy na tumatabo ng limpak-limpak na salapi kabilang ang sindikato sa NAIA na hanggang ngayon ay tila walang takot sa kanilang raket sa agawan na pangongotong sa daang dayuhang pasahero na dumarating sa tatlong terminal kada araw.
Bakit kaya tila hinahayaan lamang ng DOJ ang maliligayang araw ng mga buwaya sa airport? Sino ang nagbigay ng basbas sa mga tauhan ng Port Operations Division, Travel Control Enforcement Unit at Border Control Intelligence Unit, supervisors at terminal heads? Ang recruitment ng mismong Immigration officers sa kanilang matitinong mga kasamahan na sumapi sa kanilang grupo upang maging supplier o magsisilbing kolektor sa mga Chinese at Vietnamese, ay nagpapatuloy.
Samantala, sino itong dalawang kawani na sina alias “Shelo” at “Jalam” na umano’y talamak na fixer sa BI main office? Sino kaya ang kanilang boss? Abangan!
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
