KUNG mayroong higit na delikado sa coronavirus disease o COVID-19, ito ay ang mga taong may human immunodeficiency
virus (HIV) at tuberculosis (TB) na nagpapa-check-up.
Ito ang babala ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, vice chairman ng House committee on health, sa gitnang giyera ng gobyerno laban sa COVID-19 na patuloy na nananalasa sa buong mundo.
Ayon kay Defensor, maraming Filipino ang hindi nakaaalam na mayroon na silang HIV at TB kaya nanganganib ang mga ito sa COVID-19 lalo na kapag na-expose sa nasabing virus.
“We have many undiagnosed cases of HIV and TB, which means they are not currently getting any treatment.
We’re afraid they are highly vulnerable once exposed to the new coronavirus,” ani Defensor.
Dahil dito, umapela ang mambabatas sa mga taong ito na magpa-check-up na dahil habang nagtatago ang mga ito ay
lalong nanganganib, hindi lamang ang kanilang sarili kundi ang mga taong nakapaligid sa kanila.
Kasabay nito, nanawagan si Defensor sa Department of Health (DOH) na huwag isara ang may 156 HIV outpatient centers sa buong bansa upang maipagpatuloy ang gamutan sa mga biktima ng HIV.
Sa ngayon ay mahigit 48,000 Filipino HIV carrier ang sumasailalim sa anti-retroviral therapy at nadagdagan aniya ito ng 1,000 kada buwan kaya dapat manatiling bukas ang mga HIV outpatient center.
Kasabay nito, kailangang ituloy pa rin aniya ang kampanya laban sa TB dahil 90 Filipino umano ang namamatay sa nasabing sakit araw-araw. BERNARD TAGUINOD
