HUNYO, PINADEDEKLARANG NATIONAL FRONTLINERS MONTH

ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang panukala para sa pagdedeklara ng buwan ng Hunyo bilang ‘National Frontliners Month.’

Layon ng Senate Bill No. 1775 o ‘The National Frontliners Month Act’ na kilalanin ang ambag at kabayanihan ng mga frontliners sa pangangalaga sa kapakanan at kaligtasan ng mga Filipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangunahing pangangailangan sa panahon ng sakuna, kalamidad, at iba pang uri ng pinagdaraanang krisis.

Kabilang sa frontline workers ang mga healthcare worker, food delivery drivers, mga empleyado sa supermarket at mga kainan, gwardya, kawani ng mga lokal na pamahalaan, social workers, manggagawa sa agrikultura, mga pulis, at mga sundalo.

Kabilang din sa mga kikilalanin sa panukala ang mga logistics workers, storekeepers, mga kolektor ng basura, empleyado ng bangko, kawani ng media, at mga empleyado sa utilities tulad ng tubig at kuryente.

Ayon kay Gatchalian, isinasakripisyo ng mga naturang manggagawa ang kanilang kalusugan upang mapanatili ang kaligtasan ng bansa at pagtakbo ng ekonomiya sa kabila ng banta ng COVID-19.

Idinagdag pa ng mambabatas na kailangang patuloy ang pagkilala sa mga frontline worker na itinuturing na mga bayani sa panahon ng pandemya.

Ipinaliwanag pa ni Gatchalian na isasabay ang panukalang ‘National Frontliners Month’ sa pagdiriwang ng kasarinlan ng bansa, kung saan inaalala ang sakripisyo ng mga bayaning lumaban sa pananakop ng mga dayuhan.

Sa ilalim ng panukala, ang Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE), at ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay makikipag-ugnayan sa Civil Service Commission (CSC) at iba pang ahensya ng gobyerno upang magsagawa ng mga programang pararangalan ang mga frontline worker.

Pararangalan din sa mga programang ito ang kahusayang ipinakita ng mga lokal na pamahalaan, kabilang ang mga opisyal at empleyado ng mga barangay, sa pagganap ng kanilang mga tungkulin.

“Bilang pagpupugay at pagpapahalaga sa kabayanihan ng ating mga frontliners, isinusulong nating kilalanin ang kanilang mga sakripisyo sa pamamagitan ng isang pormal na pagdiriwang tuwing buwan ng Hunyo, kung saan kinikilala rin natin ang mga nagbuwis ng kanilang buhay para sa ating kalayaan. Nararapat lamang na ipakita natin sa ating mga bagong bayani ang pinakamataas na pagkilala lalo na’t sila ang nangunguna sa ating laban sa pandemyang dulot ng CoViD-19,” diin ni Gatchalian. (DANG SAMSON-GARCIA)

167

Related posts

Leave a Comment