NAIS ni Senador Risa Hontiveros na magtalaga ang Malakanyang ng isang “Balik-Trabaho Czar” upang mamahala sa mga hakbangin ng pamahalaan para sa mga nawalan ng trabaho sa gitna ng COVID-19 pandemic.
“Tutal mahilig ang Malacañang sa pag-aapoint ng czar sa iba’t ibang bahagi ng COVID-19 response, sana ay may italaga din na ‘Balik Trabaho Czar” na magsisikap na ibalik ang trabaho ng milyong-milyong Pilipino ngayong panahon ng krisis,” diin ni Hontiveros.
Iginiit ni Hontiveros na kailangan ng bansa ng isang opisyal na may awtoridad at responsibilidad mula sa Pangulo para magpatupad ng mga aksyon para matulungan ang mga unemployed Filipinos.
“Sa ngayon, hindi malinaw kung sinong opisyal ng pamahalaan ang dapat nakatutok sa pagbuo at pagbalik ng trabaho para sa ating mga kababayan. When I last spoke with Secretary Silverstre Bello III of the Department of Labor and Employment, he told me na hindi daw nya assignment ang employment preservation o employment creation. Then whose job is it? Who is in-charge?,” diin ng senador.
Sinabi ng mambabatas na kung hindi maagapan ang problema sa unemployment, marami ang magugutom, hindi makapag-aaral at hindi makakuha ng gamutan na kanilang kailangan.
“This is why we need a “Balik Trabaho Czar” who will take a hands-on approach to solving the unemployment crisis before it gets worse,” diin pa nito.
Sa datos ng pamahalaan, nasa 4.6 milyon ang walang trabaho as of July 2020 at inaasahan pa itong tataas.(DANG SAMSON-GARCIA)
132
