HUSTISYA ANG HILING NG PAMILYA NI LEONORA

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

INILATHALA natin noong nakaraang Biyernes ang hinagpis ng pamilya Balalilhe matapos na maipaalam sa kanila ng Lead Well International Manpower ang kalunos-lunos na sinapit ni OFW Leonora Bala­lilhe sa kamay ng kanyang malupit na mga employer sa Riyadh, Saudi Arabia.

Ayon kasi sa kwento ng pamilya ni Leonora, noong Pebrero 11 ay nakatanggap ng tawag sa telepono ang asawa nito na si Roel mula sa kanyang asawa na si Leonora. Isinusumbong ni Leonora ang ginawang pananakit sa kanya ng kanyang mga among lalaki at babae.

Dahil sa labis na pag-aalala ay agad na nakiusap si Roel sa kanyang hipag na si Jennie­fer Balalilhe na iparating sa ­kinauukulan ang sitwasyon ng kanyang asawa na agad naman nagtungo sa POEA at OWWA upang hilingin na agarang masaklolohan si Leonora. Ipinarating din nila sa Lead Well International Manpower ang kalagayan ni ­Leonora.

Ngunit kinabukasan ay nabalitaan nila sa ahensya na ang employer ni Leonora ay nag-report sa ahensya sa Saudi Arabia na kung saan ay sinabi nito na tumakas sa kanilang tahanan si Leonora. Simula noon ay wala nang nabalitaan ang pamilya kahit pa sila’y magpabalik-balik sa ahensya at sa POEA.

Noong Hulyo 27 ay nakatanggap ng impormasyon ang pamilya Balalilhe mula sa ahensya na si Leonora ay natagpuang isa nang bangkay. Labis-labis ang hinagpis ng pamilya Balalilhe kung kaya agad silang lumapit sa ating AKO OFW upang maidulog ang sinapit ni Leonora sa Department of Migrant Workers upang makamtan ang hustisya sa pagkamatay ni Leonora.

Mabilis nating ipinarating ang pangyayari kay DMW Secretary Susan “Toots” Ople na agad na nag-utos ng imbestigasyon at pati na rin ang pagpapaabot ng paunang tulong sa pamilya. Nitong Lunes ay personal na nakipagkita si Sec. Ople sa pamilya ­Balalilhe upang ipaabot ang kanyang ­pakikiramay at ang pagsiguro nito na makakamtan ni Leonora ang hustisya sa kanyang pagkamatay.

Siniguro din ni Sec. Ople ang pagkakaloob ng karampatang tulong para sa pamilya ni Leonora. Personal kong nasaksihan ang pagkikita ni Sec. Ople at pamilya Balalilhe at damang-dama ko ang kanyang sinseridad sa bawat mensahe na kanyang ipinaabot sa naulilang pamilya. Labis din ang kalungkutan ni Sec. Ople sa tuwing nakikita niya ang 3 taong gulang na anak na babae ni Leonora na ngayon ay isa nang ulila sa nanay.

Sa naganap na pagkikita ng pamilya Balalilhe at ni Sec. Ople ay hindi napigilan ng mga kapatid at hipag ni Leonora ang kanilang galit laban sa ahensya nito na Leadwell International Manpower dahil sa ginawa nitong pagpapahirap sa kanila noong sila ay nagsusumbong at nakikiusap na ma-rescue si Leonora. Mistula kasi silang ginawang tsubibo para lamang makuha ang kopya ng kontrata nito na ­tuluyang hindi ibinigay sa kanila dahil diumano ay walang nakasulat sa kontrata.

Hustisya ang kahilingan ng pamilya ni Leonora, hindi lamang sa krimen na ginawa ng mga employer nito kundi pati na rin sa kakulangan at kawalan ng pagmamalasakit ng ahensya nito na Lead Well International ­Manpower at Annahar for Recruitment na nakabase sa Saudi Arabia.

204

Related posts

Leave a Comment