AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
NAKADUDUROG ng puso ang sinapit ng isang batang babae na 13 taong gulang, sa kamay ng grupo ng kalalakihang halang ang kaluluwa na halinhinang ginahasa ang biktima.
Hindi ko maiwasan na tumulo ang aking luha habang isinusulat ko ang artikulo na ito. Dahil bilang isang OFW, ang aming tanging hangarin lamang kung bakit kami nagsusumikap na magtrabaho sa ibang bansa ay upang mapag-aral ang aming mga anak, magkaroon ng munting hanap-buhay at ang ikatlo ay magkaroon ng sariling tahanan.
Ngunit dahil sa pagiging isang OFW ay tila naging dahilan pa para mapahamak ang anak ng ilang OFW. Bumalik muli sa aking alaala ang isa ring 13-anyos na batang babae na anak ng isang OFW mula sa Kuwait na 6 na buwan nang nakakulong sa deportation jail. At dahil hindi na siya nakapagpapadala ng panggastos sa pag-aaral ng kanyang anak na kanyang inihabilin sa kanyang tiyahin ay pinahinto ang bata sa pag-aaral at ipinasok ito na kasambahay sa malayong lugar. Mabuti na lamang at naagapan ito at mabilis na nasagip ng DSWD sa himpilan ng bus sa bandang Norte.
Ang kalunos-lunos na sinapit ng batang ginahasa ng grupo ng kalalakihan ay hindi katanggap-tanggap. Hindi dapat na dinaranas ng isang anak ng OFW ang ganitong kasawian sa buhay dahil sila na lamang ang tanging lakas at inspirasyon ng bawat OFW kung kaya tinitiis nito ang hirap, gutom at pananakit sa ibang bansa masiguro lamang na magkakaroon ng mabuting kinabukasan ang kanyang anak.
Damang-dama ko ang galit sa kalooban ni OWWA Administrator Arnell Ignacio nang kanyang malaman ang sinapit ng batang na-gang rape sa Iloilo na anak ng isang OFW sa Singapore na itago na lamang natin sa pangalang OFW Maria. Agad na ginawan ng paraan ni Administrator Ignacio na mabilis mapauwi sa Pilipinas si OFW Maria upang makapiling nito ang kanyang 13-anyos na anak na babae na nagdurusa sa panghahalay sa kanya.
Naipadama ng buong pwersa ng OWWA ang kanilang pagmamalasakit sa bata at kanyang ina dahil talagang tinutukan nila ito at sinamahan sa pagpa-file ng kaso. Maging si Administrator Ignacio ay nagbanta na nga sa kanyang Facebook account laban sa sino mang gagawa ng hakbang para maareglo ang kasong ito.
Sa post ni Administrator Ignacio ay isinulat nito: “warning lang ha, sa mga gusto umareglo sa kaso na isasampa sa mga nagsamantala sa anak ni OFW na sinundo namin from Singapore. Tandaan niyo, noon ako nagkaso sa mga hulidap na biniktima ako, tinakot pa ako noon. Mag-research-research kayo sa ugali ko sa bakbakan”.
Hindi kasi biro ang karanasang ito ng isang batang babae, dahil tiyak na dadalhin niya ang pait nito hanggang sa kanyang pagtanda. Hindi matutumbasan ng ano mang pakiusap at salapi ang hustisya na dapat na maipagkaloob sa batang ito.
Kasama ng buong pwersa ng OWWA, ang buong AKO OFW ay sumisigaw ng hustisya para sa batang ito at sa iba pang anak ng OFW na nagiging biktima ng kalupitan. Mariin nating kinokondena ang kalapastanganan ng grupo ng kalalakihang ito na nanghalay sa kaawa-awang anak ng isang bagong bayani.
