(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
SAPUL si Manila Mayor Isko Moreno sa patutsada ni Pangulong Rodrigo Duterte nang ilarawan niya ito na kung umasta dati ay parang ‘callboy’ base sa mahahalay na larawang nagkalat sa social media.
Nag-ugat ang nasabing reaksyon ng pangulo sa usapin ng pamamahagi ng ayuda ng mga local government unit.
Sa kanyang Talk to the People, Lunes ng gabi ay inatasan ng pangulo ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na i-takeover ang trabahong distribusyon ng ayuda sa constituents ng isang lungsod.
Ayon sa pangulo, inalisan niya ng trabaho ang LGU dahil hindi kaya ng mga opisyal nito na mamahahagi ng ayuda sa maayos na paraan.
Hindi naman pinangalanan ni Pangulong Duterte kung anong LGU ang kanyang tinutukoy.
“Alam mo may isang siyudad ako dito na I ordered the [DILG] and itong DSWD na kayo na ang magbigay ng mga ayuda pati ‘yong mga kung anong maitulong ng national government sa local government units na walang alam at hindi marunong mag-organize ng mga distribution,” ayon sa pangulo.
“It only results in disorder so tinanggal ko muna ‘yan sa kanila [LGUs] at ibinigay ko doon sa DILG pati ang DSWD. Kayo na muna hanggang matuto sila,” dagdag na pahayag nito.
Giit ng pangulo na wala talagang alam ang alkalde na kanyang pinasasaringan kaya’t agad niya itong tinanggalan ng trabaho na mamahagi ng ayuda at tulong mula sa pamahalaan.
“Wala talagang kaalam-alam itong mga mayor na ‘to so tanggalan muna natin itong pamimigay, pagdi-distribute ng pera pati tulong ng gobyerno.” aniya pa rin.
Hindi man pinangalanan ng pangulo ay tila nagbigay ito ng clue at inilarawan ang tinukoy niyang LGU.
“Iyong kay Chairman Abalos, may isa ‘kong siyudad diyan na hindi ko bibigyan ng power to distribute ayuda. Siyempre because in so many instances they cannot organized.. wala talagang.. everytime tapos pahe dito, pahe doon. it has happened several times,” anito sabay sabing marami ring beses na sinisisi ng alkaldeng ito ang ibang tao kaysa sa kanyang sarili.
Dito na lalong nalantad na si Moreno ang tinutukoy ng pangulo.
“Yan ang gusto.. maryosep.. hindi lang tayo puwedeng magsalita ng politiko dito. pero yan.. yan.. kayong mga Filipino huwag kayong magpaloko dyan sa mga pa-drama magsalita pati kung … nakita ko nga sa Facebook kanina lahat ng .. naka-bikini ang gago tapos may isang picture pa doon na sinisilip niya iyong ari nya. ‘Yan ang.. yan ang gusto ninyo? ang training.. parang… para lang.. parang callboy. Naghuhubad, nag-picture, naka-bikini tapos iyong garter tinatanggal niya, tiningnan niya iyong .. apat magsama sila ni Paredes. Tingnan ninyo sa Facebook, nandiyan. Nandiyan iyong mga picture nya tapos iyong sinisilip niya iyong… iyan ang training ng presidente? Maghubad at magpa-picture at magsilip, magyabang sa kanilang ari kagaya ni Paredes,” litanya ng pangulo.
Ang tinutukoy na Paredes ay ang singer-songwriter na si Jim Paredes, miyembro ng APO Hiking Society na naging usap-usapan din sa social media matapos mag-viral ang kanyang ‘sex tape’.
Si Moreno ay sumikat bilang artista bago sumabak sa pulitika. Sa panahon din ng kanyang pag-aartista kinunan ang ilang larawang kumakalat ngayon sa social media kung saan makikita ang magandang hubog ng kanyang katawan at tanging brief ang suot.
Sa kabilang dako, sinabi naman ng DILG na ipalalabas ang ayuda sa mga low-income household sa National Capital Region (NCR) na apektado ng enhanced community quarantine, ngayong Miyerkoles, Agosto 11.
Tinatayang may 11 million NCR residents ang makikinabang sa ayuda o cash assistance, ayon kay DILG spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya.
Ang cash aid ay “P1,000 per individual” o hanggang “P4,000 maximum per household.”
Kasabay nito, tiniyak ding magkakaroon ng ayuda ang mga residente ng Maynila sa kabila ng patutsada ni Duterte sa kanilang alkalde.
Pinawi ni Presidential spokesperson Harry Roque ang pangamba ng mga nasabing residente na baka madamay ang mga ito sa ngitngit ng pangulo.
“Well alam ninyo po ang presidente na ang nagsabi na.. hindi pupuwede ang ECQ ng walang ayuda. So, dahil na-ECQ po ang lugar ninyo ay magkaka-ayuda po kayo. huwag po kayong mag-alala,” pagtiyak ni Sec. Roque.
Sa kabilang dako, ipinagkibit-balikat naman ni Sec. Roque ang lumabas na balita na si Moreno ang tinukoy ni Pangulong Duterte na hindi niya bibigyan ng kapangyarihan na mamahagi ng ayuda sa kanyang constituents.
“Kayo namang mga kasama ko sa Malacanang Press Corps, wala namang pangalan at wala namang pangalan ng siyudad na nabanggit ang ating presidente. Bilang tagapagsalita, I cannot add doon sa hindi inilabas ng ating pangulo. Mayroon po siyang dahilan kung bakit hindi niya siguro inilabas iyon pero hindi ko po alam kung bakit. So, I will have to leave it at that. Im only spokesperson. If the principal did not want to reveal kung sino ang mayor na iyon at anong LGU na yan. So be it noh? Let’s leave it at that,” aniya.
“Ngayon malalaman naman po natin yan dahil ang utos ng presidente ay for the DILG, the PNP and the AFP to assist noh? and DSWD na sila’y magbibigay ng ayuda sa siyudad na ito. In due course po, malalaman natin kung ano ‘yan,” dagdag na pahayag nito.
241 