CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MAHALAGANG panatilihin na malaya, iginagalang, at pinagkakatiwalaan ang Korte Suprema dahil ito ang huling takbuhan ng taumbayan. Dito umaasa ang ordinaryong Pilipino kapag binigo na siya ng mga nasa poder.
Kaya nakalulungkot ang mga batikos ngayong natatanggap ng Kataas-taasang Hukuman.
Hindi lang mula sa mga ‘tagalabas’ kundi sa ilang dating miyembro pa mismo ng SC.
Gaya na lamang nina dating Supreme Court Associate Justices Antonio Carpio at Adolfo Azcuna na kasama sa pagbira sa institusyong minsan nilang pinangalagaan. Lantaran na ang kanilang pagkontra sa desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte. Hindi lang nila kinukuwestiyon ang desisyon, kundi pati na rin ang integridad ng buong Korte Suprema.
Walang masama sa pagtutol. Bahagi ito ng isang demokrasya. Pero may hangganan ang makatuwirang oposisyon. Kapag ang puna ay nagiging pag-udyok sa publiko na mawalan ng tiwala sa batas, nagiging delikado ito. Hindi na lang ito usapin ng legal na argumento. Ito’y pagyugyog na sa pundasyon ng hustisyang dapat ay pinoprotektahan.
Kaya nga ang Integrated Bar of the Philippines (IBP), sa kabila ng kontrobersiya, ay naninindigan pabor sa Korte Suprema. Ayon sa grupo, ang ginawa ng Korte Suprema ay hindi pang-aagaw ng kapangyarihan mula sa ibang sangay kundi pagtupad lang sa tungkulin nito sa ilalim ng Saligang Batas. May paalala rin ang IBP: ang pagsuway sa desisyon ng Korte ay banta sa buong kaayusan ng batas sa bansa.
Ang Korte Suprema ay walang kapangyarihan sa pondo gaya ng Kongreso, at walang tauhan at armas gaya ng mga sundalo at pulis. Pero ito’y may hawak na mas matibay na sandata: ang respeto ng taumbayan. Kapag giniba iyon ng ilan, parang giniba na rin nila ang mismong kakayahan ng batas na kumampi sa mga naaapi. Sa bandang dulo, ang kawawa ay hindi ang mga nasa kapangyarihan, kundi ang mga karaniwang Pilipino.
147 