ANG pinapaaprubahang badyet ng administrasyong Duterte, sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM), sa Kongreso para sa 2021 ay P4.506 trilyon.
Bale, P400 bilyon ang itinaas nito mula sa P4.1 trilyong badyet na ginagamit ngayong 2020.
Kailangang maipasa ang P4.5 trilyon bago sumapit ang 2021 upang hindi maantala ang paggamit ng nasabing pera para sa susunod na taon.
Ngunit, hindi naman dapat paspasan ng mga mambabatas ang pagpasa ng naturang badyet para lamang maipagyabang ng pamumuan ng dalawang yunit ng Kongreso na “pasok” sa itinakdang petsa ang pagpasa rito.
Higit na mahalaga na busisiin nang husto ng mga kongresista at senador ang detalye ng hatian ng badyet sa iba’t ibang kagawaran ng pambansang pamahalaan.
Mas mainam nga kung ultimong detalye ng badyet na inilaan ng DBM sa bawat kagawaran ay makita, malaman at matiyak na totoong kailangan ang inilaang badyet at tama ang halaga ng perang nakalaan.
Katulad na lamang ng P667.3 bilyong badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na siyang pangalawa sa pinakamataas na badyet.
Nababalitaan naman ng publiko ang taun-taong naisisiwalat ng ilang kongresista at senador na ang DPWH ay laging sinasalpakan ng badyet na “lump sum”.
Ibig sabihin, walang detalye kung anu-ano ang pagkakagastusan ng bilyun-bilyong ibibigay ng DBM sa DPWH.
Napakaimportanteng busisiin nang husto ang P667.3 bilyon ng DPWH, lalo pa’t hindi naipaliwag ni Secretary Mark Villar ang ‘di patas na hatian ng badyet ng bawat distritong kinakatawan ng mga kongresista.
Ganoon din ang mahigit P203 bilyong badyet ng Department of Health (DOH) para sa susunod na taon.
Tama ang desisyon ng mga kongresista nang ipatigil nila ang deliberasyon ng hinihinging badyet ng DOH dahil, ayon kay Iloilo Rep. Janette Garin, hindi kumpleto ang mga dokumentong makapagkukumbinsi sa mga kongresista na karapat-dapat ang P203 bilyon para sa DOH, kabilang na ang P71 bilyong alokasyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Partikular na tinukoy ni Garin ang PhilHealth dahil walang nakarating sa Kamara de Representantes na mga dokumento na detalyadong magpapaliwanag sa plano ng pamunuan ng PhilHealth kung paano nito masasawata ang napakatalamak na katiwalian at korapsyon sa yunit na ito ng DOH.
Ani Garin: “[I]t [is] highly unusual for us to discuss the proposed budget of the DOH considering that documents that we need in order to deliberate this huge budget are still on the pipeline.”
Idiniin ng dating sekretarya ng DOH na kailangan ng ”thorough review of all documents related to the pending questions surrounding the PhilHealth, lack of documents and lack of data will not allow members of Congress to fully exercise its power of scrutinizing and making sure that every peso paid by the taxpayers is put to proper use.”
Kung tutuusin, hindi lamang DOH at PhilHealth ang nararapat na komprontahin at singilin ng mga mambabatas sa kongretong plano laban sa katiwalian at korapsyon, sapagkat hindi lang naman sa dalawang ‘yan ninanakaw ang pera ng pamahalaan.
Kahit nga sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ay hindi 100 porsiyentong ligtas sa mga korap ang mahigit P200 bilyong badyet nito para sa 2021.
Huwag kalimutan na hawak ng DILG ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP) na pinaniniwalan ng publiko na umiiral din ang katiwalian at korapsyon.
Hindi naman ignorante ang mamamayan dahil hindi naman sila isinilang kahapon upang maniwalang walang korapsyong nagaganap sa PNP, BJMP, BFP at maging sa DILG mismo.
Kahit nga ang hanay ng edukasyon (Department of Education, Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Authority) ay mayroon ding mga tiwali at korap.
Kaya, mungkahi ko ay huwag paspasan ng mga kongresista at senador ang pagpasa ng P4.5 trilyong badyet ng administrasyong Duterte para sa taong 2021 – lalo na ito ay tinatawag na “election budget.”
