IBANG KLASENG POLITIKO SI ALAN PETER CAYETANO

ANG pinakahuling aksiyon ni Speaker Alan Peter Cayetano ay ang paghahain ng mosyon upang ipasa ang panukalang P4.5 trilyong badyet ng bansa para sa susunod na taon at mosyon upang isuspinde ang sesyon ng Kamara de Representantes .

Parehong ipinasa ito ng ­mayorya ng Kamara.

Hindi pa natatalakay at nabubusisi nang husto ang espesipikong hinihinging badyet ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, ngunit agresibong kumilos si Cayetano para ipasa ito sa ikalawang pagbasa.

Tapos, isinunod agad ang suspensiyon ng sesyon ng Kamara.

Tandan na hindi pa tapos ang talakayan at sitahan ng mga senador sa badyet.

Pero, itong si Cayetano ay biglang ipinatigil ang sesyon ng Kamara.

Kayo, ako, tayo ay pare-parehong hindi ipinanganak kahapon upang hindi maintindihan ang “kahulugan” at “layunin” ni Cayetano sa kanyang ginawa.

Manatili sa pagiging Speaker.

Ang aksiyon ni Cayetano ay nakadikit sa isyu ng pagpasa ng posisyong speaker kay Marinduque Representative Lord Allan Velasco sa Oktubre 14.

Ang petsang Oktubre 14 ay siyang napagkaisahan nina Cayetano at Velasco sa harapan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagkasundo ang dalawa na bababa sa puwesto si Cayetano at pormal na ihihirang at tatanggapin ng mga kongresista na si Velasco na ang speaker ng Kamara hanggang Hunyo 30,2022.

Pagkatapos nito ay bakasyon na ang mga kongresista at senador.

Babalik sila sa Nobyembre 14.

Kaso, sa mga aksiyong ginawa ni Cayetano mula Setyembre 29 (Miyerkoles), kinabukasan matapos nilang humarap ni Velasco kay Duterte, ay idinidiin nito ang pananatili sa pagiging pinuno ng Kamara.

Sa nasabing araw, todo-todong inupakan ni Cayetano si Velasco.

Pagkatapos, nagbitiw siya sa puwesto na tinanggihan naman ng 184 kongresista.

Kinagabihan, pumunta si ­Cayetano, kasama ang asawa niyang si Ma. Laarni na kongresista rin ng Lungsod ng Taguig at kapatid niyang si Pilar Juliana “Pia” Cayetano kay Duterte kung saan hiningi ang pananaw ng pangulo sa naganap.

Hanggang naglabasan na sa media na samu’t saring balita hinggil sa ayaw ihayag ni Cateyano na “kategorikal” na kinikilala niya at iginagalang ang napagkasunduan nila ni Velasco sa harapan mismo ni Duterte, ang pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Ano pang saysay at halaga ng pagharap nina Cayetano at Velasco kay Duterte kung balewala pala ang usapan at napagkasunduan nila?

Ang idinidiniin ng kinatawan ng unang distrito ng Lungsod ng Taguig at buong bayan ng Pateros sa Kamara ay tapusin muna ang badyet sa Kamara.

Tapos, biglang pumutok ang balitang suspendido na ang sesyon ng Kamara.

Pokaragat na ‘yan!

Ibang klase si Alan Peter ­Cayetano!

Biglang nagsalita si Senate President Vicente Sotto III na sinuway ng Kamara sa pamumuno ni Cayetano ang kahilingan ni Duterte na ipasa ang badyet para sa 2021.

Ang punto ni Sotto ay pihadong maaantala ang pagpasa ng ­Kongreso ng badyet.

Kapag, ipinasa ng Kamara ang badyet sa Nobyembre 14, o 15, ay ipapasa ito sa Senado upang ipagpatuloy ang pagtalakay at pagbusisi ng mga senador tungkol sa ipinasang badyet.

Malinaw na nakasaad sa ­Konstitusyon na Kamara ang unang magpapasa ng hinihinging badyet ng pambansang pamahalaan.

Pagkatapos nito ay Senado naman ang magpapasa.

Pagkatapos, ang Bicameral Conference Committee, o Bicam, naman.

Mag-uusap sa Bicam ang mga kinatawan ng dalawang kapulungan sa Bicam na ito.

Kung arubado na sa Bicam, magkahiwalay na aaprubahan ng Senado at Kamara ang ipinasa ng Bicam na panukalang badyet para sa susunod na taon.

Ipaparating ito sa Office of the President (OP).

Mula rito ay pag-aaralan ng pangulo ang ipinasa ng Kongreso.

Ang tanong: “Matatapos ba sa Nobyembre 2020 ang badyet para sa 2021?”

Ang isa pang tanong: “Awtomatikong isusuko ba ni Cayetano ang posisyon ng pagiging speaker?”

Pasensya na po dahil masyado akong matanong.

Ang ikatlo at huling tanong: “Ano ba ang ikinakatakot ni ­Cayetano kung iba na ang speaker ng Kamara de Representantes?”

Kapag manatiling speaker si Cayetano hanggang Hunyo 30,2022, marahil hindi naman ­paninirang puri kung sasabihin ng publiko na “ibang klaseng politiko si Alan Peter Cayetano”.

109

Related posts

Leave a Comment