KITANG-KITANG ang naging kapabayaan ng mga nakaraang administrasyon dahil sa ilalim ng pamumuno ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte nararamdaman ang mga epekto nito.
Tulad ng malalang problema sa ilegal na droga, hindi akalain ni Pangulong Duterte na ganun na karami ang mga gumagamit at nasasangkot sa ilegal na droga sa bansa.
Lahat na ata ng larangan ng trabaho sa bansa ay napasok na ng ilegal na droga.
Maging pampubliko man o pribadong opisina ay may nasasangkot o kaya ay may gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Maging ang pinakamahirap na pamilya hanggang sa mayayaman ay adik na sa bisyong ito.
Kahit pa ang mga nasa awtoridad, showbiz personality at maging sa larangan ng pamamahayag ay napasok na rin ng ilegal na droga.
Hindi rin nakaligtas ang ilang lider ng simbahan dahil may mga pagkakataon na ilan sa kanila ay nahuhuli sa operasyon ng mga awtoridad laban sa ilegal na droga.
Napabayaan din ng mga nakaraang administrasyon ang mga magsasaka kaya naman walang kakayanan na makipag-kumpetensiya ng mga Pinoy sa mga magsasaka sa mga kalapit nating bansa sa Asya.
Kaya sa panahon ngayon ng pandemya, gutom ang inabot ng lahi ni Juan. Ika nga walang mahugot dahil walang naitabi.
Sinabayan pa ng pagtigil ng ilang mga karatig bansa sa Asya sa pagbebenta ng kanilang bigas sa Pilipinas.
Natural uunahin muna nila ang kanilang mga sarili ngayong may pandemya bago sila magbenta sa ibang bansa na umaasa sa kanila tulad ng Pilipinas.
Halos wala ring naitayong mga imprastraktura sa mga nakaraang administrasyon.
Kaya naman wala ring masyadong trabaho na naibigay sa Pilipinong tambay. Kasabay nito, ang pag-alis ng mga negosyanteng dayuhan sa kanilang mga negosyo sa Pilipinas.
Wala kasi silang nakikitang pag-asa man lamang na mapapangalagaan ang kanilang mga negosyo dahil hindi maayos ang kalakaran sa pamahalaan.
Talamak din ang korapsyon sa mga tanggapan ng gobyerno na kung saan kailangan nilang magproseso ng mga papeles ng kanilang mga negosyo.
Nawalan din ng tiwala ang mga negosyante sa mga namumuno sa mga nakaraang administrasyon dahil sa kawalan ng katatagan ng kanilang administrasyon.
Ngayong 2020 ay dumating ang pandemya ng Covid-19 at lalo pang lumaki ang problema ng mga naghihikahos na mga Pinoy.
Ngayon naramdaman ang sobrang hirap dahil wala silang madukot man lang na pantawid gutom ng kanilang pamilya.
Kung naging maayos sana ang suporta sa mga ordinaryong mamamayan lalo na ang mga nasa kayunan na mga magsasaka, nakaipon sana sila ng kaunti kahit paano upang hindi sila masyadong hirap ngayon.
Ang mga magsasaka ay nangangailangan ng suporta mula sa gobyerno kaya kung gusto ng Department of Agriculture (DA) na hindi tayo umasa pa ng pag-import ng bigas mula sa ibang bansa ay tulungan nyo ang ating mga kababayang magsasaka.
Kung kelan lulubog na ang bangka ng mga Pinoy at saka pa tayo magkukumahog na kumilos.
Ang nararanasan na kahirapan ng mga Pinoy lalo na ng mga magsasaka ay resulta ng mga kapalpakan ng mga nakaraang administrasyon.
Kung naging maayos sana ang pamamalakad nila, hindi sana ganun karami ang drug addicts, malalang korapsyon at kawalan ng trabaho ngayon sa bansa at maunlad ang ating agrikultura.
Kung hindi malala ang korapsyon sana may naipon ang gobyerno na pondo at may nagagamit sana sa pangangailangan ngayon.
Tapos ngayon sisihin ng iba ang nakaupo kung kelan nabulgar ang maraming sangkot sa illegal drugs at naglabasan ang kaliwat-kanang katiwalian o paglustay ng pondo ng gobyerno.
Marami rin nagi-email sa atin na pinalalayas na sila ng may-ari ng kanilang mga inuupahan dahil wala na silang pambayad sa buwanang renta.
Wala na rin silang inaasahan na matatanggap na ayuda mula sa gobyerno dahil hanggang dalawang beses lang ang tinakdang tulong mula sa social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ngayon nganga na lang ang mga Pinoy? Sana matapos na ang pandemyang ito.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
67