PREVENTION is better than cure.
Tandaan na ang anumang uri ng karamdaman ay napapagaling agad at hindi magiging pahirap kapag agad na naagapan at hindi pa malala.
Huwag nating hintayin na saka lamang tayo aaksyon kung kailan huli na ang lahat. Mainam kung huwag nang pairalin ang hiya o takot at sa halip ay agad na magpakonsulta sa doktor dahil para rin naman ‘yan sa inyong kapakanan, bukod sa sila ang higit na makatutulong sa inyo. ‘Ika nga, iwasan natin ang self-medication.
At para sa inyong kaalaman, narito ang ilang sakit sa bladder o pantog na dapat aksyunan bago pa man mahuli ang lahat.
OVERACTIVE BLADDER –– Ang overactive bladder o kilala rin sa tawag na sensitive or salt bladder ay may mga sintomas na pag-ihi nang mahigit sa walong beses sa isang araw at dalawang beses sa isang gabi. Ito rin ang pakiramdam na para bang lagi na lang ay gusto n’yong umihi kahit hindi naman. Ang regular na pag-ihi at hindi pagpigil nito ay makatutulong para maiwasan ang impeksiyon. Makatutulong din ang tinatawag nating kegel exercise at siyempre ang pinakamedikasyon ay sa tulong ng espesyalista.
URINARY TRACT INFECTION –– Ang pakiramdam na para bang gusto ninyong ubusin ang lahat ng laman ng inyong pantog o bladder, masakit at pagkaranas ng burning sensation kapag umiihi at pagkakaroon ng dugo sa ihi ay sintomas ng UTI. Kapag ang isang babae ay positibo sa ganitong impeksiyon, makatutulong ang ibibigay na antibiotics ng doktor. At para maibsan ang sakit na madalas maramdaman, minsan ay nagbibigay ng uri ng gamot ang doktor tulad ng Uristat, uri ng OTC analgesics.
KIDNEY INFECTION –– Ang madalas o kaya ay hindi mapigil na pag-ihi, panlalamig, pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng tagiliran o kaya ay ng gitna ng likuran, pagkahilo at pagsusuka ay sintomas ng kidney infection. Mainam kung agad magpunta sa doktor upang agad na mabigyan ng lunas. Kapag na-diagnose na positibo kayo sa impeksiyon, maaaring bigyan kayo ng intravenous at oral antibiotics.
MGA SAKIT NA ‘DI DAPAT PANGAMBAHAN
KARANIWANG kapag may nararamdamang sakit ang kahit sinuman, ang madalas na reaksyon ay kung hindi babalewalain ay tiyak na ipakukonsulta sa espesyalista.
Mas mainam naman ang maging maagap tulad nang madalas nating sabihin. Ngunit may ilang sakit o dagliang pagbabago ng katawan na hindi naman dapat pangambahan dahil maaaring reaksiyon lamang ito ng nararamdaman sa oras ding iyon.
Anu-ano ang mga ito?
PAGKAKAROON NG WARING MGA PARUPARO SA TIYAN. Madalas, kaya nakararamdam ng waring nadudumi na hindi maintindihan o kaya ay ang pagkakaroon ng paruparo sa tiyan ang kahit sinuman ay dahil sila ay kinakabahan o kaya ay nae-excite. Maaari rin namang sanhi ng paraan ninyo ng paghinga. Ang mababaw na paghinga ay karaniwang nagiging tensyon sa muscle sa itaas na bahagi ng gastrointestinal track na nagpapairita sa tiyan. Kaya hindi ito dapat na pangambahan dahil hindi indigestion o anupamang sakit sa tiyan ang inyong nararanasan.
PANINIKIP NG DIBDIB. Alam n’yo bang ayon sa pag-aaral, 30% sa mga taong akala na may sakit sila sa puso ay depressed o kaya ay pagod lamang? Maaari ring dahil sila ay may problemang pang-emosyunal. Ito kasi ang madalas na dahilan bakit nagkakaroon ng release ng hormones sa katawan na nagpapataas sa heart rate at nagpapasikip sa muscle sa dibdib na nagiging daan bakit nahihirapan huminga ang nakararanas nito.
PAMAMANHID NG KATAWAN. Minsan, kaya nakararanas ng waring pamamanhid ng katawan ang kahit sino, ay dahil mayroon itong pinaghahandaang date o kaya ay interview. Ang kabang ito ang dahilan kaya namamanhid ang katawan ninuman dahil bumababa at bumabagal ang pagdaloy ng dugo. Ang pamamanhid ay mawawala lamang kung lumipas ang kabang nararanasan.
PAGKULO NG DUGO. Kahit sino ay nakararanas na waring pagkulo ng dugo kapag galit. Ito ay dahil tumataas ang lebel ng stress hormone adrenaline na nagpapataas din sa body temperature na normal lamang kaya hindi dapat pangambahan.
ANO’NG PAGKAKAIBA NG BRANDED SA GENERIC NA GAMOT?
Ang bisa ng gamot ay nasa oras din ng pag-inom nito.
Dapat nasisigurong naiinom sa oras, sa tamang dami ayon sa bilin o reseta ng doktor para masigurong maka-recover ang katawan mula sa sakit na mayroon ito.
Parehas ba ang bisa ng branded at generic na mga gamot?
Oo. Natural.
Ang bisa ng branded at generic ay parehas lamang.
Hindi ilalabas sa merkado kung ang isang uri ng gamot ay walang bisa. Maging ang packaging nito ay kailangang parehas na pasado sa quality standard.
Kung nagtataka naman tayo sa mga presyo ng mga ito kung bakit hindi pare-parehas ay natural din naman.
Ang branded ay may kamahalan o sadyang mahal kumpara sa generic na mga gamot. Ito ay dahil ang mga branded na mga gamot ay mas dumaan sa mas masusing mga pag-aaral upang mas magkaroon ito ng laban sa merkado. (ANN ESTERNON)
