UPANG hindi magaya sa India, nagbabala si Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, dating Joint Anti-COVID Task Force commander, na mas maging maingat ngayong kumpirmado nang may ilang kaso ng delta variant sa Pilipinas.
“The detection of the Delta variant in the country serves as a warning to all of us against complacency,” wika ni P/Gen. Eleazar kasunod ng pahayag na mas paiigtingin ng pulisya ang kanilang mandato na ipatupad ang health and safety protocols na inilatag ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
“Nakita na natin ang epekto nito sa India at ito ngayon ay seryosong banta sa kapitbahay nating bansa na Indonesia. Again, the success and failure of our efforts to prevent the spread of this more transmissible and more deadly variant is on our hands: by strictly observing the tried-and-tested observance of the minimum public health safety protocol.”
Nakapagtala na ang Department of Health ng 16 kaso ng Delta variant, kabilang na ang limang returning overseas Filipinos (ROFs) at 11 lokal na kaso na sa kabuuan ay sumampa na sa 35.
Samantala, ibinalik sa Enhanced Community Quarantine ang ilang lugar sa bansa upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19. Kabilang dito ang probinsya ng Iloilo gayundin ang mga lungsod ng Cagayan de Oro, Iloilo at Gingoog hanggang Hulyo 31.
“Sa panig ng PNP, patuloy kaming nakikipag-ugnayan sa IATF (Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases) at sa NTF (National Task Force) Against COVID-19 upang i-review kung ano ang dapat i-review, at palakasin pa kung ano ang mga dapat pang palakasin sa aspeto ng pagpapatupad ng mga alituntunin para sa kaligtasan nating lahat,” ayon kay P/Gen. Eleazar.
Inatasan na rin niya ang mga pulis na tumatao sa quarantine control points na maging mapagmatyag at higpitan ang seguridad para makatulong na mapababa ang pagkalat ng coronavirus at ng mga variant nito. (JESSE KABEL)
153 