PITONG hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, kabilang ang dalawang babae, ang arestado sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City noong Biyernes.
Kinilala ni Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief, P/Lt. Joel Madregalejo ang arestadong mga suspek na sina Roy Hubilla, 45, welder; Jimmyboy Yumul, 38; Noel Villafranca, 33; Fortfred Bangan, 33; Daniel Quijano, 23; Aireen Macaraeg, 24, at Jheannewhyne Dela Cruz, 22-anyos.
Ayon sa ulat ni SDEU investigator P/SMS Fortunato Candido kay Valenzuela City Police chief, P/Col. Ramchrisen Haveria Jr., dakong alas-12:40 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU, sa pangunguna ni P/Lt. Madregalejo ng buy-bust operation kontra kay Hubilla sa kanyang bahay sa C. Molina St., Block 4, Brgy. Veinte Reales.
Kaagad dinamba ng mga operatiba si Hubilla matapos bentahan ng P500 halaga ng ilegal na droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer habang naaktuhan naman ang anim pang mga suspek na sumisinghot umano sa shabu sa loob ng bahay.
Nasamsam sa mga suspek ang tinatayang 5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P34,000, buy-bust money, tatlong cellphones at ilang drug paraphernalia.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ALAIN AJERO)
213 