LOLA NALIGO SA DAGAT, NALUNOD

BATANGAS – Lumulutang na natagpuan ang bangkay ng isang 72-anyos na lola na posibleng nalunod habang naliligo sa tabi ng dagat sa Barangay San Miguel sa bayan ng Bauan sa lalawigang ito.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa Brgy. San Miguel ang Bauan MPS hinggil sa natagpuan sa tabing dagat na bangkay ng biktima na kinilalang si Maria Ligaya Balitaan y Evangelista, residente ng Aplaya ng Bauan.

Nabatid sa salaysay ng kaanak, hindi na nakabalik sa kanyang bahay ang biktima makaraang magpaalam na maliligo sa dagat bandang alas-10:00 ng umaga noong Biyernes.

Agad tumungo sa barangay ang kaanak ni lola at nagsagawa ng search and retrieval operation ang mga barangay tanod upang hanapin ito.

Pagkaraan ay natagpuan ng mga naliligo sa dagat na sina Reyneil Sanggalang at Gerald Rondina na palutang-lutang ang katawan ng lola na posibleng nalunod habang naliligong mag-isa. (CYRILL QUILO)

448

Related posts

Leave a Comment