IPINAUBAYA na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang magiging kapalaran at susunod na hakbang ng komisyon.
Nauna nang sinabi ng Pangulo na malapit nang matapos ang mandato ng ICI matapos nitong imbestigahan ang mga kwestiyonableng flood management projects.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, hinihintay pa ng Pangulo ang pinal na ulat ng komisyon at wala pang itinakdang deadline para sa pagsusumite nito.
“Kung ano ang magiging desisyon ng ICI, iyon ang maaaring maging tugon ng Pangulo. Kung kailangan nila ng tulong mula sa Executive, ibibigay ito,” pahayag ni Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Dagdag pa niya, nasa ICI ang pagpapasya kung magpapatuloy pa ang operasyon nito bilang isang independent commission.
Tanging si retired Justice Andres Reyes ang natitirang miyembro ng komisyon matapos magbitiw ang dalawa pang kasapi nito.
Sa usapin ng kakulangan ng quorum, sinabi ni Castro na maaaring kumuha ang ICI ng mga opisyal na kinakailangan nito upang maipagpatuloy ang trabaho.
Aniya, magdedesisyon lamang ang Pangulo kung ihahayag ng ICI na natapos na nito ang mandato at obligasyon nito.
Matatandaang sinabi ni ICI chair Andres Reyes na naghihintay lamang ang komisyon ng gabay mula sa Malakanyang kaugnay sa nakabinbing appointment ng mga bagong miyembro.
(CHRISTIAN DALE)
10
