IKINATUWA ng Malacañang ang naging deklarasyon ng House committee on Justice na “insufficient in substance” ang dalawang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa panayam, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na masaya ang Palasyo dahil nasunod ang tamang proseso.
“Nagpapasalamat po tayo na nakita po ng mga mambabatas kung ano po talaga ang katotohanan. Lagi po tayong panig sa katotohanan, at nakita po natin na wala naman talagang merito ang mga nasabing complaint. Maging ang Pangulo ay kumpiyansa na wala siyang ginawang anumang impeachable offense,” ani Castro.
Dagdag pa niya, kasalukuyang nakatuon ang Pangulo sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa kaya ang mensahe umano nito ay, “Let’s move forward.”
Nang tanungin kung napanood ng Pangulo ang pagdinig ng justice committee, sinabi ni Castro na hindi ito nasubaybayan ng Pangulo dahil dumalo ito sa dalawang magkahiwalay na aktibidad—isang private meeting at isang malaking event.
“Nasabihan lang po namin siya kung ano ang naging resulta,” ani Castro.
Ayon pa kay Castro, natuwa ang Pangulo nang malaman ang naging desisyon ng komite.
“Ang sabi po niya, nasunod ang proseso. Iyon naman po talaga ang gusto ng Pangulo—ang masunod ang proseso at makita ang katotohanan,” dagdag niya.
Hinimok din ni Castro ang publiko na suriin ang naging proseso ng pagdinig.
“Inisa-isa po ng mga mambabatas ang mga akusasyon at sana po ay naging malinaw na ito sa ating mga kababayan,” aniya.
Nauna nang tuluyang ibinasura ng House of Representatives ang dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos.
Sa pagdinig ng House committee on Justice nitong Miyerkoles, Pebrero 4, 2026, kapwa nabigong makakuha ng sapat na boto ang dalawang reklamo at idineklarang insufficient in substance.
Nakakuha ng botong 42-1-3 ang unang impeachment complaint na inihain ni Atty. Andre De Jesus, habang 7-39-0 naman ang naging boto sa reklamong inihain ng Makabayan Bloc.
Samantala, tahasang kinuwestiyon ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang naging desisyon ng justice committee.
“Sabi nila wala raw ebidensya at hindi raw impeachable ang mga offense sa complaint. Hindi po iyon ang tungkulin ng justice committee,” ani Tinio.
Dagdag pa niya, “Hindi nila tungkulin na mag-abogado para sa Presidente.”
Ang unang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos ay inihain noong Enero 19, habang ang ikalawang reklamo ay pormal na isinumite noong Enero 22.
(CHRISTIAN DALE)
20
