IGINIIT ng Malakanyang na walang nilabag na protocol sa pagpili ng venue para sa pagho-host ng Pilipinas ng ASEAN-related events.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, malinaw na “no breach of protocol” ang paggamit ng hotel-casino bilang venue ng international summits dahil hindi naman ito ginamit para sa pagsusugal.
Ito ay kasunod ng mga puna ng ilang observers kaugnay sa ASEAN Ministers’ Meeting sa Cebu na ginanap sa isang hotel-casino, na sinabing maaaring hindi angkop para sa Muslim delegates.
“Wala pong dapat iwasto dahil hotel-casino man ito, ang layunin ay international summit at hindi pagsusugal. Walang nilalabag na protocol ang Pilipinas,” giit ni Castro.
Tiniyak din ni Castro na mahigpit na sinuri ang procurement process para sa ASEAN hosting ngayong taon, kabilang ang evaluation ng gastos at uri ng event.
Dagdag niya, ang mga high-profile international events ay kadalasang kwalipikado sa exemptions mula sa standard competitive bidding at pinapayagan ang alternative procurement methods gaya ng negotiated procurement at direct contracting.
(CHRISTIAN DALE)
26
