ICI kung talang independent – solon ‘PORK’ NI MARCOS JR. IMBESTIGAHAN DIN

HINAMON ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na patunayan ang tunay nitong kalayaan at integridad sa pamamagitan ng pag-imbestiga kung paano ginamit ng Marcos Jr. administration ang unprogrammed appropriations (UA) nito.

Ayon kay Tinio, walang kapantay ang laki ng pondo ng UA sa mga nakaraang taon.

“Walang kapantay po ang naging level o halaga ng UA na ito lalo na noong 2023–2024. Tanging presidente po ang may discretion sa paggamit nito, kaya po tinatawag ko itong presidential pork,” ayon sa kongresista.

Itinatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ICI sa pamamagitan ng Executive Order No. 94 upang imbestigahan ang mga anomalya sa flood control projects, matapos niyang ipahayag ang pagkadismaya sa naturang proyekto sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, kung saan binitiwan niya ang matinding mensahe sa mga sangkot: “Mahiya naman kayo.”

Ngunit ayon kay Tinio, dapat ding mahiya si Marcos dahil tila ibinabato lamang nito ang sisi sa mga lokal na opisyal at hindi inaako ang sarili niyang pananagutan.

“Hanggang ngayon, hindi mo pa inaako at hindi ka pa nagpapaliwanag tungkol sa 3,700 flood control projects at iba pang infrastructure projects na pinondohan mo mula sa unprogrammed appropriations ng 2023 at 2024,” giit niya.

Dagdag pa ni Tinio, umabot umano sa ₱214.8 bilyon ang halaga ng mga proyektong ito, na sinasabing kinuha ang pondo mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) — bagay na hanggang ngayon ay hindi umano inaamin ng Palasyo.

Hindi pa kasama rito ang inilaang pondo para sa 2025 flood control projects, na tinatayang aabot sa ₱1.4 trilyon. Ayon kay Tinio, sa halip na makatulong ang pondong ito upang mapigilan ang pagbaha, napunta umano ito sa kickback, kurakot, SOP, at mga ghost projects.

“Direktang responsibilidad mo ito bilang tanging approving authority ng bawat ginagastos mula sa unprogrammed appropriations kaya dapat magpaliwanag ka at dapat panagutan mo ito,” mensahe pa ni Tinio kay Marcos.

(BERNARD TAGUINOD)

15

Related posts

Leave a Comment