APELA NG PAMILYA VELOSO SA SC; KASO RECRUITERS BILISAN

BINUHAY ng pamilya ni Mary Jane Veloso ang kanilang apela sa Korte Suprema upang pabilisin ang pagdinig sa kaso laban sa mga recruiter na umano’y nagtulak sa kanya sa bitag ng international drug trafficking.

Layunin ng panawagan na makapagsumite na si Veloso ng kanyang testimonya bilang biktima ng human trafficking at illegal recruitment.

Kasama ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) at ilang tagasuporta, nanawagan ang pamilya na payagan ang pagpapatuloy ng paglilitis sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong, kung saan kasalukuyang nakakulong si Veloso.

Ang mga kasong isinampa laban kina Cristina Sergio at Julius Lacanilao sa Nueva Ecija Regional Trial Court Branch 89 ay kinabibilangan ng human trafficking, illegal recruitment, at estafa, kung saan si Veloso ang pangunahing testigo at biktima.

Nagpahayag naman ng dismaya ang Migrante International sa umano’y mabagal na pag-usad ng kaso, at muling nanawagan sa administrasyon na isaalang-alang ang executive clemency para sa makataong dahilan.

Sa kanyang mensahe, hiniling ni Celia Veloso, ina ni Mary Jane, kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagkaloob ang clemency upang makauwi na ang kanilang anak at makapiling ng pamilya ngayong darating na Kapaskuhan.

Matatandaan na naaresto si Mary Jane sa Indonesia noong 2010 matapos mahulihan ng 2.6 kilo ng heroin, na ayon sa kanya ay ipinabitbit lamang sa kanya ng mga recruiter at hindi niya alam na droga ang laman ng maleta.

(JULIET PACOT)

14

Related posts

Leave a Comment