ICI PINABABAGAL NG DAGDAG-BAWAS NA SALAYSAY NI BERNARDO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NAKATUTOK ngayon ang bayan sa gumugulong na imbestigasyon sa flood control scandal kaya naman hindi maiwasan na mapansin ng ilan nating kababayan ang tila pabago-bagong alaala at salaysay ni dating DPWH Usec Roberto Bernardo. Parang teleserye na kada linggo ay may bagong plot twist—mas mahaba, mas mabigat, at mas maraming pangalan ang biglang “naaalala.” Sabi nga, hindi pa natutuyo ang tinta ng una niyang affidavit, may panibago na naman siyang bersyon. May dagdag, may bawas, at may tila ini-edit depende sa kung sinong kaharap.

Kaya’t hindi maiiwasan ang tanong na tulad ng: Bakit ngayon lang lumilitaw ang mga “kritikal na detalye”? Kung totoong alam niya ang lahat mula sa simula, bakit hindi niya ito sinabi noong una pa lang sa Senado? May pumupuwersa ba sa kanya? May nagdidikta ba ng script? O baka naman may sariling iniingatang agenda?

Hindi rin nakapagtataka na pati si dating Executive Secretary Lucas Bersamin ay nagpahayag ng pagdududa, na ang testimonya ni Bernardo ay “triple hearsay”—na sa madaling salita, tsismis na binalot sa legal na anyo. Dagdag pa rito, dahil sa pabago-bagong salaysay, napipilitang mag-reassess ang Independent Commission for Infrastructure (ICI). Sa halip na lumilinaw ang imbestigasyon, lalo lang itong bumabagal. Lumalawak nga ang istorya, pero hindi lumalalim ang ebidensya.

Dagdag pa sa misteryo ang ilang ulit na pag-absent ni Bernardo sa ICI dahil umano sa “medical reasons,” pero kapag Blue Ribbon hearing, ganado at preskong-presko siya. Hindi maiwasang isipin na baka may pulitika o proteksyong gumagalaw sa likod. Lalo na’t sinasabi ni Sen. Ping Lacson na si Bernardo ang kanyang “very important witness,” kasabay ng pahayag ng DOJ na pwede itong gawing state witness. Hindi ba’t kapag lumalapit ka sa Witness Protection Program, mas nagiging selective at dramatiko ang memorya—lalo na kung sariling kaligtasan ang nakataya?

Ang tanong ngayon: ginagamit ba ang Blue Ribbon para tumuklas ng katotohanan, o para bumuo ng naratibong magpapahamak sa mga hindi kaalyado?

Hindi biro ang oras, pera, at pagod na ginugugol ng Senado sa imbestigasyong ito. At hindi biro ang buwis na galing sa bulsa ng ordinaryong Pilipino. Karapatan natin ang makatanggap ng diretsong katotohanan hindi ‘yung paiba-iba, papalit-palit, at parang sinusulat habang tumatakbo ang eksena.

Kung talagang hinahanap natin ang katotohanan, dapat mas matibay sa tsismis, mas matatag sa pulitika, at mas malinaw kaysa baha na lagi nating tinatakasan.

73

Related posts

Leave a Comment