PH ALIPIN NG ISIPANG KOLONYAL

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

BAKIT mas gusto ng Pinoy ang ‘branded o stateside products’ kaysa gawang atin?

Bunga ng kaisipang kolonyal, maraming produkto natin ang pinatay ng importasyon na mas mura kaysa gawang atin.

Pinatay ng stateside products at ng importasyon ang matitibay na mga sapatos sa Marikina; hinagod sa hirap ang magsasaka na mura ang bili ng palay, mura ang bili ng traders sa mga alagaing manok, baboy at iba pang negosyong atin.

Kahit ano’ng yabang at pagmamalaki ng operasyon laban sa ismagling, umaapaw ang mga tindahan sa puslit na kargamento.

Kahit nais bumili ng produktong appliances na gawang Filipino, wala namang mabibili; may gawang atin, pero pinekeng brand ng mamahaling damit, sapatos, at iba pa, marupok at mahina rin at madaling masira tulad ng gawang China.

Wala tayong sariling gawa na mga gamit elektroniko tulad ng cellphone, laptop at iba pang gadgets: lahat ay pawang gawa sa ibang bansa.

Kahit saan ka lumingon, produktong dayuhan ang makikita natin; kahit sa pagkaing lokal, natatalo na rin ng mga pagkaing dayuhan na mas kinasasabikang tikman ng ating dila.

Matagal na tayong malaya, pero alipin pa rin tayo ng isipang kolonyal.

***

May mga opisyal ng bayan na tsinelas ang suot nang pumasok sa gobyerno, at makaraan lamang ng ilang taon, imported shoes, makikislap na alahas at hindi na sila amoy-pawis kundi umaalingasaw sila sa mamahaling pabango.

Bakit nagpapatayan ang kahit magkakapatid, magkakamag-anak at matatalik na magkakaibigan sa pag-aagawan sa puwesto sa pamahalaan?

Maliwanag ang katotohanan: Negosyo at walang tigil na kalayawan at bisyo ang talagang pakay nila sa kunwari ay paglilingkod sa gobyerno.

Ngunit ang nakapagtataka’y iilan lamang ang mga taong ganito kagahaman sa kapangyarihan at milyon-milyon ang matatapat na opisyal at mga kawani sa pamahalaan.

Bakit nagagawa ng iilan na ito na manatili sa kapangyarihan at pagsasamantala sa salapi ng bayan?

***

Kailangan nang baguhin ang polisiya ng bansa sa masyadong “pagkiling” sa China — na hindi naman “kaibigan” ang pagturing sa atin.

Oks at tama na kaibiganin natin ang China, tulad ng ibang bansa, pero ang pagkakaibigan ay dapat nakasalig sa katapatan at maayos na pagbibigayan.

Ang problema, hindi natin ito nakikita sa kasalukuyang relasyong Pilipinas at China.

Bakit ika n’yo, at ano-ano ang mga katibayan?

Hindi po kinikilala ng China ‘yung matagal nang hatol ng International Court sa The Hague, na atin nga ang mga Isla sa Spratly at iba pang isla na sakop ng ating economic zone.

Ang katotohanan po n’yan dear readers, hindi lang isa kundi pinararami pa ang mga instalasyong pandagat at military na itinayo sa mga pulo ng Spratly, na sobrang nakababahala na at lumilikha ng malaking tensiyon sa ating mga kakampi tulad ng US.

Tama po ang postura na makipagkaibigan tayo sa China sapagkat tanggap natin ang katotohanan, hindi natin makakaya ang harapang makipagsagupa sa digmaan sa higanteng armas, military at ekonomiya ng China — na isang superpower.

Ultimo ang US na may pinakamalakas na puwersang militar at sandatang nuclear, ay atubili na makipagkomprontasyon sa komunistang China.

Lalo na wala tayong kakayahang banggain ang lakas militar ng China, ano ang makakaya nating isagupa sa barko de giyera nila laban sa ating bangkang papel.

Napakasakit na katotohanan, Kuya Eddie.

***

Hindi po natin iminumungkahi dear readers, na magpakita tayo ng tapang laban sa China na hindi natin kayang mapanindigan.

Pero kailangan natin na magpakita tayo ng malakas na pagtutol at pagkondena sa hindi parehas na trato ng pagkakaibigang ibinibigay natin sa bansang Tsina.

Kailangan marahil na magpakita tayo ng isang matinding golpe de gulat gaya ng pagtataas ng boses kontra China, tama po ba dear readers?

‘Wag nating ipakita na wala tayong buto at gulugod at bayag kontra China, period!

***

Ilang ulit ko na pong tinalakay ito: Ano nga ba ang dahilan at hindi tayo nagtatagumpay laban sa katiwalian?

Wala tayong pagkakaisa, pulos pagwawalang-bahala ang naririyan, at ang pagsasabing nandiyan na ‘yan at hindi na maaari pang mawala.

Magagawa natin na tuldukan ang katiwalian sa pamahalaan kung ang mga kawani at opisyales na matitino at matatapat ay ating tutulungan.

Sa paanong paraan? Sumunod tayo sa batas at itinatakda ng mga regulasyon, at ‘wag kumunsinti ng mga mali.

Matututo tayong sumama sa pagbabago at huwag humadlang sa pagbabago.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

39

Related posts

Leave a Comment