VISA FOR SALE SA BI LEGAL DIVISION, BUHAY NA NAMAN?

BISTADOR ni RUDY SIM

DAHIL sa naging sunud-sunuran ang ilang opisyales ng Bureau of Immigration-Legal Division kay Kume na kasing bilis ng kidlat bigyan ng pabor ang bawat mga dokumento ng mga dayuhang may kinahaharap na kaso sa ahensya, ay tila nasuklian ito ng malaking pabuya.

Matatandaang noong taong 2023 ay kinasuhan at tinanggal sa naturang departamento ang ilang mga hawak nitong Visa’s kagaya ng commercial visa na nabistong may katiwalian.

Ilan sa mga opisyal na abogado rito ay kinasuhan noon ni dating DOJ Secretary Boying Remulla at nagbantang masisibak ang mga ito sa serbisyo ngunit matapos ang higit dalawang taon ay ano na kaya ang kinahinatnan ng kaso? Mayroon kayang natanggal o ito’y parang isang panaginip na lamang na nakalimutan dahil sa magagandang sumunod na mga nangyari?

Isang taon na mula noong hinuli ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong October 31, sa Central One Bataan Inc. sa Bagac, Bataan kung saan ay aktong nahuli rito ang mga dayuhan sa illegal online gambling na walang kaukulang permit. Habang nasa kustodiya ang mga ito ng PAOCC ay isang mataas na opisyal ng gobyerno ang nag-utos na palayain ang mga dayuhan.

Agad na pinamadali ni Kume na gawin ng Legal Division ang release order ng 41 dayuhan kapalit ang pagkain mula sa Aristocrat kahit wala pang petition for bail at hindi pa bayad ang filing fee nito. Agad na pinag-overtime ni Kume ang mga kumag na abogado rito, kahit alam nilang hindi patas kagaya na lamang sa ibang normal na proseso sa ibang papeles na inabot na ng ilang buwan o taon na dinidedma kung walang kotong o kaya ay walang padrino.

Muling nalagay sa alanganin ang BI matapos palayain ni Kume ang 41 dayuhan nang libre sa pamamagitan ng indigency. Wala raw ang mga itong kakayanan na magbayad sa gobyerno para sa piyansa… ngunit ito’y sinupalpal naman ng PAOCC matapos makuha ang isang vault sa naturang raid na naglalaman ng ilang milyong pisong cash. Nawalan ang kabang-yaman ng bansa ng P2.25 milyon, malaking halaga kung sana’y pinagbayad ang mga ito at hindi napunta sa bulsa ng iilang mapagsamantalang nasa puwesto na siyang kumita.

Ang utos noon ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin sa DOJ at sa BI na muling hulihin ang 41 na pinalaya upang ipa-deport, ay tila napunta sa tengang-kawali dahil hindi narinig ni Kume at sa tibay ng kanyang sinasandalan ay hindi ito natinag sa kanyang puwesto hanggang sa kasalukuyan sa kabila ng kaliwa’t kanang katiwalaan sa kanyang pamumuno.

Pinaniniwalaang sa paglipat ni Boying Remulla sa Office of the Ombudsman ay hawak pa rin nito ang pagpapatakbo ng DOJ kung kaya’t matibay pa rin ang pagkakakapit ng kanyang bata na si Kume sa BI. Ang pagbabalik kaya ng Visa sa Legal Division ay pabuya sa mga abogado upang mabuhay muli ang kanilang kabuhayan?

Da who ang high ranking officials ng BI na ngayon ay dapat isailalim sa lifestyle check dahil sa paglobo ng kanilang kita mula sa kotong sa mga dayuhan? Abangan!

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

71

Related posts

Leave a Comment