Syanong detektib
SA baybaying bayan ng Angono na sakop ng lalawigan ng Rizal, may isang panatiko ang bangag na dorobo sa Palasyo. Dangan naman kasi, ayaw mapag-iwanan pagdating sa diskarte.
Ang siste, nabuking ang impertinente. Hulicam ang umano’y payroll-padding na kinakamada ni Kapitan Annaliza Intal ng Barangay Kalayaan.
Ang masaklap, hindi pala tapat sa kanya ang mga kawani sa loob ng kanyang opisina. Sa madaling salita, ikinanta si Kapitana.
But wait, there’s more, hindi pa nasiyahan ang naturang kawani na nagbuking sa sistematikong katiwalian sa Barangay Kalayaan. Ipinost pa niya sa social media ang video footage na mula sa mismong CCTV camera na nakakabit sa opisina ni Kapitana.
Ang resulta — nilanggam ng batikos si Kapitana.
Sa labis na katanyagan, hinihingan na siya ngayon ng paliwanag ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Nang panoorin ko ang video, ako man napamura. Ganun na pala kagarapal ang kultura ng katiwalian sa ating bansa. Sa isang banda, hindi marahil inaasahan ni Kapitana na ang mismong CCTV sa opisina niya ang magpapahamak sa kanya.
Hagip kasi sa CCTV footage ang aktwal na pagbibigay ng direktiba ni Kapitana sa isang empleyado kung paano ikukubli sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) ang tinatawag na payroll-padding.
Sa ilalim ng umiiral na batas, mahigpit na ipinagbabawal ang payroll padding na pasok sa kategorya ng “crime of moral turpitude.”
Sakaling mapatunayang nagkasala nang walang bahid alinlangan, kulungan ang kanyang magiging bagong tanggapan — pero hindi bilang kapitan ng barangay kundi isang utusan sa loob ng masikip at mabahong piitan.
Pero hindi lang sa Barangay Kalayaan may kawatan. Sa rami ng umi-idolo sa bangag na bida sa Palasyo, sino bang nasa pwesto ang hindi mae-engganyo sa free-for-all nakawan sa gobyerno.
87 