INILUNSAD na ang ika-90 Malasakit Center sa bansa nitong Biyernes, sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium sa Caloocan City.
Ito na ang ika-17 Malasakit Center sa Metro Manila at ika-46 naman sa Luzon.
Sinaksihan mismo ni Senator Christopher ‘Bong’ Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, ang okasyon.
“Itong Malasakit Center po ay para sa lahat ng Pilipino. Walang pinipili ito, walang pulitika ito. Para po ito sa lahat lalo na ang poor and indigent patients. Handa pong tumulong ang Malasakit Center sa kanilang medical at financial needs,” ayon kay Go.
Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop kung saan matatagpuan ang mga ahensiya ng pamahalaan na may mga programang nagbibigay ng financial at medical assistance sa mga pasyenteng Pinoy, partikular na sa mahihirap at nangangailangan, kabilang na ang Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation at Philippine Charity Sweepstakes Office.
Sa pamamagitan ng Republic Act No. 11463, o mas kilala sa tawag na Malasakit Centers Act of 2019, lahat ng pagamutan sa bansa na pinatatakbo ng DOH ay may mandatong magtayo ng sariling
Malasakit Centers, kasama ang Philippine General Hospital. Bilang karagdagan, ang mga pagamutan na pinatatakbo ng mga local government unit at iba pang pampublikong pagamutan ay maaaring magtayo ng sariling Malasakit Centers, ngunit kailangang maabot nito ang mga itinatakdang criteria para rito.
Sa ilalim ng mahigpit na pagsunod sa mga kinakailangang health at safety protocols, nagbigay tin ng tulong si Go sa 44 na COVID-19 patients na na-admit sa ospital. Bibigyan din sila ng tulong ng DSWD sa ilalim ng kanilang programa na nagbibigay ng tulong sa mga indibidwal sa mga sitwasyong may krisis.
Samantala, dahil sa limitado pa rin ang transportasyon dulot ng pandemic at pangangailangang mag-commute sa pagpasok sa trabaho, namahagi rin ang senador ng mga bisikleta sa ilang piling medical frontliners na nagtatrabaho sa naturang ospital.
