RAPIDO Ni PATRICK TULFO
MAKAILANG beses ko nang naririnig ang mga sentimyento ng mga aplikante laban sa branch ng Land Transportation Office (LTO) sa San Juan at Sta. Mesa. Pero ‘di namin inaaksyunan dahil sa kawalan ng pormal na reklamo.
Pero nitong mga nakaraang buwan, naranasan mismo ng ilang mga kaibigan at kaanak ko ang kagaspangan at katamaran ng ilang empleyado nito.
Noong Marso, sinamahan ng ating co-host na si Matt Montoya ang kanyang kaibigang babae para mag-apply ng student license sa LTO San Juan branch, kung saan ito kumuha ng Theoretical driving course. Dito, naka-engkwentro nila ang isang empleyado na bukod sa pambabastos ay pinagalitan pa sila. Hindi raw ito dapat sa San Juan kumuha ng lisensya dahil hindi siya residente ng nasabing lungsod at meron silang tinatawag na “Geographic Area of Responsibility”. Matapos ang ilang oras na pagpila, umuwi silang walang napala.
Agad kaming nakipag-ugnayan sa opisina ni LTO chief Assistant Sec. Edgar Galvante, na nilinaw na maaaring kumuha ng lisensya at student permit sa alin mang sangay ng Land Transportation Office.
Humiling ng pormal na sulat sa amin ang opisina ni Asec. Galvante upang maaksyunan ang insidente.
At makalipas nga ang ilang buwan, ipinadala ng LTO Main office ang paliwanag ng inireklamong empleyado kung saan sinabi nitong kinuwestyon lang daw nya ang detalye ng TDC ng aplikante na sinuklian daw ng walk out ng aking partner sa radyo. Sinungaling po ang empleyadong nabanggit dahil ayon sa aking partner at kasama nitong aplikante, ilang oras silang nag-antay bago umalis nang ipilit ng inirereklamong empleyado na hindi sila pwedeng mag-apply sa kanilang opisina.
Ganun pa man, nanghingi ng paumanhin ang empleyado kina Matt at kasama nito dahil sa inasal nya. Binigyan sya ng “stern warning” ng pamunuan ng LTO at babala ng suspension kapag naulit pa ang katulad na insidente.
Sa isa pang reklamo sa LTO Sta. Mesa pa rin, wala ka raw makausap na matino sa naturang branch maliban sa guwardiya na ayaw magpatuloy sa loob ng opisina at nagtatanong lang kung ano ang kailangan, ayon sa senior citizen na kaanak ko. At nang sinabi nito na kukunin lang niya ang plaka ng kanyang sasakyan, pinapunta raw siya ng mga guwardiya sa LTO San Juan at pagdating doon ay wala ring umasikaso sa kanila. “Kung hindi pa ako nagalit ay walang tutulong sa amin na mahanap kung saan kukunin ang aming plaka, tamad at ayaw magsikilos ang mga empleyado ng LTO San Juan,” dagdag pa nito.
Ayon sa LTO Memorandum Sec. 5 o ang LTO Code of Conduct and Ethical Standards of Officials and Employees, dapat na maging marespeto at magalang sa publiko ang sinomang kawani ng LTO. Mukhang kulang yata sa seminar ang mga empleyado ng LTO San Juan at Sta. Mesa.
248 