MATINDING atake sa demokrasya ang dahilan ng mga kongresista ng Democratic party upang ituloy ang ikalawang impeachment laban kay Pangulong Donald Trump nitong Miyerkoles.
“Insureksiyon” ang kaso ni Trump sa isinagawang impeachment ng mababang kapulungan ng Kongreso ng Estados Unidos.
Ang tinutukoy ng Democrats ay ang talumpati ni Trump nitong Enero 6 sa National Mall na naghikayat sa kanyang mga tagasuporta na tumungo sa Kongreso at magpakita ng “lakas”.
Sa simula ay mapayapang kilos-protesta ang isinagawa ng mga tagasuporta ni Trump ngunit nauwi ito sa magulong aksiyon na ikinamatay ng lima katao.
Ang pangungumbinsi ni Trump ay resulta ng kanyang pagkatalo sa nakalipas na eleksyon kay Joe Biden.
Iginiit ni Trump na ang kanyang pagkatalo ay resulta ng pandaraya sa ilang estado ng Amerika.
Sa nasabing impeachment charges, 232 ang pabor at 197 ang tutol.
Kasama sa 232 ang sampung kapartido ni Trump sa Republican party.
Kakaiba ang impeachment na ito dahil ang naunang impeachment case laban kay Trump noong 2019 ay walang pumabor na mga kongresistang kasapi ng Republican party.
Naniniwala ang mga bumoto sa ikalawang kasong impeachment kabilang na ang sampung kapartido ni Trump na malaking atake sa demokratikong institusyon ng Estados Unidos ang resulta ng talumpati nito laban sa Kongreso.
Ang Kongreso ang pinal na nagdeklara ng panalo ni Biden.
Nakarating na sa Senado ang kasong impeachment laban kay Trump. Magpapasya na lamang ang Senado kung itutuloy nila ang paglilitis kay Trump, o hindi dahil sa napakaliit na panahon.
Kontrolado ng Demoratic party ang Senado na siyang partido ni Biden.
Magbubukas ang sesyon ng Kongreso sa Enero 19, isang araw bago manumpa bilang bagong pangulo ng Amerika si Biden.
Sa Enero 20 rin ang huling araw ni Trump sa pagiging pangulo ng Estados Unidos.
Sa kabila ng napakaikling panahon bago matapos ang termino ni Trump, mabilis na kumilos at itinuloy pa rin ang kasong impeachment laban sa kanya dahil naniniwala ang mga kongresista at senador ng Democratic party at mga kongresista ng Republican party na pumabor sa nasabing aksyon na kailangang matanggal si Trump sa puwesto, sa halip na tapusin ang kabuuan ng kanyang termino batay sa itinakda ng Saligang Batas, upang mapatawan si Trump ng parusang hindi na siya maaaring tumakbo sa anomang posisyon sa pamahalaan sa mga susunod na taon dahil sa krimeng nagawa niya sa Estados Unidos at sa mga Amerikano.
Ilang araw ang nakalipas, sinabi na Trump na mananatili siyang “aktibo”.
Pinaniniwalaang senyales ito na posibleng tumakbo uli siyang pangulo sa halalang 2025. (NELSON S. BADILLA)
