ISA ang imprastraktura sa mga tinututukan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang termino.
Malakas ang kanyang paniniwala na ang pagpapahusay ng imprastraktura sa bansa ay daan sa pag-unlad ng ekonomiya. Bunsod nito ay inilunsad ang Build, Build, Build (BBB) nang siya ay nahalal bilang pangulo ng Pilipinas.
Ang pangunahing layunin ng BBB ay ang magbigay daan sa tinatawag na “Golden Age of Infrastructure” ng bansa. Layunin din ng nasabing programa ang mapababa ang antas ng kahirapan sa bansa, palakasin ang ekonomiya, at maibsan ang kasikipan sa Metro Manila.
Ngayong pandemya, bagama’t pansamantalang naantala ang progreso ng BBB, muli itong itutulak ng pamahalaan upang mas mapabilis ang pagbangon ng ating ekonomiya.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral, bukod sa pagpapabilis sa pagbangon ng ekonomiya, ang pagpapatuloy ng BBB ay makapagbigay din ng trabaho para sa mga mamamayan.
Sa katunayan, ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, 1,013 na inhenyero ang nabigyan ng trabaho ng programang BBB. Ang pagpapalakas ng pwersa ng empleyado at manggagawa ay makatutulong sa pagpapabilis ng progreso ng mga proyekto. Mas masisiguro rin ang pagtatapos ng mga proyekto sa takdang panahon.
Ayon sa resulta ng Labor Force Survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority, nadagdagan ng 200,000 ang bilang ng mga walang hanap-buhay sa bansa noong Enero.
Ang BBB ay isang paraan upang mabigyan ng hanap-buhay ang mga nawalan ng trabaho.
Ang Subic Bay Freeport at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx) na binuksan na sa publiko noong ika-19 ng Pebrero, ay isa sa mga proyektong natapos sa ilalim ng BBB.
Sa pahayag ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) administrator Wilma Eisna, ang proyekto ay makatutulong sa pag-unlad ng Subic Bay Freeport at mga karatig nitong komunidad. Mas mapapabilis at gagaan ang pagbiyahe papasok at palabas ng Subic Freeport. Magiging kaakit-akit ito sa mga negosyo at mga mamumuhunan.
Isa pang halimbawa ay ang programa ng Department of Tourism (DOT) at DPWH na tinawag na Tourism Road Infrastructure Program (TRIP). Layunin ng programa na pagandahin ang kalidad ng mga daan patungo sa mga destinasyon sa bansa na madalas puntahan ng mga turista.
Marami rin sa mga proyektong imprastraktura ang matatagpuan sa hilagang bahagi ng Luzon gaya ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway na binuksan sa publiko noong nakaraang taon. Ang biyahe mula Maynila hanggang Baguio ay naging tatlong oras na lamang dahil dito.
Nakatakda rin magbukas sa publiko sa Mayo 2021 ang unang bahagi ng Central Luzon Link Expressway, na may apat na hanay at may kabuuang haba na 30 km. Ang biyahe sa pagitan ng Tarlac City at Cabanatuan City, Nueva Ecija na dati’y 70 minuto ay iikli sa 20 minuto dahil dito. Makatutulong ito sa mga magsasaka sa Nueva Ecija.
Ilan lamang ito sa mga proyektong inaasahang makatutulong sa mabilis na pagbangon ng ating ekonomiya. Kasabay nito ay ang pagdating ng mga dosis ng bakuna sa bansa kontra COVID-19, at ang muling pagbubukas ng lokal na turismo.
Ako ay naniniwala na maganda na ang ating simula. Alalahanin lamang natin na kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat mula sa bawat isa.
