CAVITE – Tumagal ng mahigit dalawang oras ang negosasyon bago tuluyang naaresto ng mga pulis ang isang lalaki makaraang i-hostage ang ina ng dati nitong live-in partner sa bayan ng Naic sa lalawigan noong Lunes ng gabi.
Hawak na ng pulisya ang suspek na si alyas “Noel”, ng Ciudad Nuevo, Brgy. Sabang, Naic, Cavite.
Ayon sa ulat, pwersahang pinasok ng suspek ang bahay ng kanyang dating live-in partner sa Brgy. Malainen, Bago, Naic, Cavite bandang alas-9:00 ng gabi ngunit ang naabutan ay ang ina nito na si alyas “Myrna”, 71-anyos.
Hinanap umano ng suspek ang kanyang dating live-in partner at nang sinabi ng biktima na wala ito sa bahay ay nagbantang sasaktan ito at pwersahang dinala ang ginang sa isang sulok ng bahay at ini-lock ang lahat ng pintuan.
Muling nagbanta ang suspek na sasaktan ang biktima kung hindi ilalabas ang kanyang dating live-in partner.
Dumating naman ang mga awtoridad na nakipagnegosasyon sa suspek ng halos dalawang oras.
Dahil sa lumalalang sitwasyon, pinasok ng mga pulis ang likurang bahagi ng bahay at inaresto ang suspek dakong alas-11:48 ng gabi.
(SIGFRED ADSUARA)
9
