TARGET ni KA REX CAYANONG
SA panahon na tila madalas inuuna ang pangako kaysa gawa, mahalagang kilalanin ang mga lider na tahimik ngunit tuloy-tuloy ang pagtugon sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.
Ganito mailalarawan ang pamumuno ni Quezon Gov. Helen Tan, isang lider na hindi lamang nagsasalita, kundi kumikilos.
“We do respond to your calls, tumutugon po kami sa pangangailangan ninyo,” pahayag ni Gov. Tan.
Ito ay hindi nananatiling linya sa talumpati, kundi nagiging konkretong proyekto sa mga paaralan at komunidad.
Patunay nito ang sunod-sunod na proyektong pang-imprastraktura na direktang nakatuon sa edukasyon at kapakanan ng kabataan.
Ang pagbabasbas ng mga bagong gusali tulad ng Child Development Center, multi-purpose building, at lalo na ang dalawang palapag na gusaling may walong silid-aralan ay malinaw na sagot sa matagal nang kakulangan sa pasilidad.
Makaraan kasi ang isang dekadang pagtitiis sa make-shift classrooms, ang pagkakaroon ng matibay, maayos, at kumpletong pasilidad ay hindi lamang ginhawa kundi ito ay paggalang sa dangal ng bawat mag-aaral at guro.
Hindi rin basta-basta ang disenyo ng mga gusaling ito. Typhoon-resilient, may solar panels, may sariling palikuran at suplay ng tubig.
Ibig sabihin, may malinaw na pagtanaw sa kaligtasan, sustainability, at pangmatagalang gamit.
Ipinakikita nito na ang pamahalaang panlalawigan ay hindi lang nagtatayo para masabing may proyekto, kundi nagtatayo para tumagal at tunay na mapakinabangan.
Higit pa sa mga gusali, kapansin-pansin din ang lawak ng programang pang-edukasyon na itinutulak ng pamunuan—mga scholarship, tulong-pinansyal, at return-of-service programs na nagbibigay ng pagkakataon sa mahihirap ngunit karapat-dapat na kabataan.
Nagpapakita ito na ang edukasyon ay hindi lamang proyekto. Ito ay pundasyon ng pangmatagalang pag-unlad ng lalawigan.
Nasusukat ang mabuting pamamahala, hindi sa dami ng press release, kundi sa dami ng buhay na nababago.
Kung edukasyon ang puhunan ng kinabukasan, kung pasilidad ang sandigan ng kalidad na pagkatuto, at kung malasakit ang puso ng serbisyo—nararapat lamang kilalanin at suportahan ang ganitong uri ng pamumuno ni Gov. Helen Tan.
Sa ganitong hakbang, mas nagiging makatotohanan ang pangakong walang maiiwan at bawat Quezonian ay may pagkakataong umasenso.
16
