ANGELES CITY – Natagpuan na ng mga tauhan ng Angeles City Police at mga lokal na opisyal noong Martes ng hapon ang bangkay ng nawawalang negosyante na si Tess Mamac na naiulat na nawawala simula pa noong Pebrero 12, 2026.
Ayon kay PCol. Joselito Villarosa Jr., hepe ng Angeles City Police Station, bandang alas-6:00 ng gabi noong Pebrero 16 nang magsagawa ng masusing search operation ang mga tauhan ng Police Station 4 kasama ang Angeles City Forensic Unit at mga lokal na opisyal.
Sa loob ng residential compound ng biktima, nadiskubre ang isang bahagi malapit sa septic tank at piggery farm kung saan nakabaon ang bangkay na nasa advanced state of decomposition.
Kinilala ng kanyang mga anak ang mga labi bilang si Ginang “Tess” Mamac.
Batay sa paunang ulat, nakabaon ang bangkay nang may lalim na anim na talampakan malapit sa tinutuluyan ng isang lalaking kilala sa alyas na “Dok Manuel” sa loob mismo ng compound na pagmamay-ari ng biktima.
Dumalo sa operasyon sina Angeles City Mayor Carmelo Lazatin II, mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), Barangay Captain PG Ponce at mga kaanak ng biktima.
Dinala ang bangkay sa Pangilinan Funeral Services at isasailalim sa autopsy upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay.
Si Mamac ay asawa ng dating barangay captain ng Balibago na si Tony Mamac.
Inatasan naman ni Mayor Lazatin ang Angeles City Police Office na paigtingin ang hot pursuit operations laban sa person of interest na si “Dok Manuel.”
Ayon sa pulisya, si “Dok Manuel” ay drayber ng pamilya sa loob ng halos 20 taon at ngayo’y itinuturing na pangunahing person of interest sa kaso. Naiulat din itong nawawala.
Tiniyak ng mga awtoridad na patuloy ang follow-up operations at koordinasyon upang agad na madakip ang suspek at maipagkaloob ang hustisya sa biktima.
Nauna nang nag-alok ng P200,000 pabuya si Carmelo “Pogi” Lazatin Jr., kinatawan ng Pampanga 1st District, para sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan noon ni Mamac.
(ELOISA SILVERIO)
16
