WALANG kaugnayan ang paglabas ng video ni dating cong. Zaldy Co laban sa Malakanyang sa peaceful rally ng Iglesia ni Cristo (INC), ayon kay INC Spokesman Edwil Zabala.
Nilinaw niya na hiwalay ang timing ng video ni Co, na nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez sa mga paratang ng katiwalian, sa tatlong araw na Rally for Transparency and a Better Democracy ng INC.
Kasunod nito, pinuna ni Mamamayang Liberal party-list Rep. at House Deputy Minority Leader Leila de Lima ang timing ng video, na inilabas habang patuloy ang INC rally. Ayon sa INC, bukas ang kanilang protesta sa lahat, ngunit hindi dapat madawit sa pulitika ang panawagan ng religious group.
Dagdag pa nito, tutol sila sa anomang hakbang na lalabag sa Konstitusyon at nananawagan lamang ng legal at mapayapang paraan ng pagkilos. Hindi rin sila sang-ayon sa revolutionary government, coup d’état, snap elections, o civilian-military junta.
Ayon sa INC, ang pangunahing layunin ng rally ay manawagan ng transparency, accountability, at repormang panlipunan at pampulitika nang walang karahasan. Binibigyang-diin ng grupo ang kanilang patuloy na laban para sa demokrasya at karapatang pantao.
Batay sa pinakahuling datos ng Manila Police District, umabot na sa 300,000 katao ang dumalo sa peace rally sa Quirino Grandstand noong Lunes, Nob. 17, 2025, hanggang alas-3 ng hapon.
(JULIET PACOT)
118
