HINAMON ni Infrawatch Convenor Terry Ridon ang Senado na rebyuhing mabuti ang infrastructure allocations ng lahat ng mga congressional district at ilaan na lamang ito sa mas mahahalagang programa na kapaki-pakinabang sa mas nangangailangang sektor.
“The senate should review all infrastructure allocations in all congressional districts and also not lose sight in similarly reviewing NTF-ELCAC’S P16.44B as these also include infrastructure projects which may be reallocated to more pressing current concerns such as distance learning, disaster response and the COVID-19 pandemic,” paliwanag ni Ridon.
Sa harap na rin ito ng expose ni Sen. Panfilo Lacson na bilyon-bilyon ang infrastructure budget insertions ng mga kongresista para sa kanilang mga distrito na ipinaloob sa 2021 national budget.
Gayung may mga sektor na salat sa pondo batay na rin sa inihayag ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na 2.3 million estudyante ang hindi nakalalahok sa distance learning dahil wala pa rin kuryente sa maraming lugar sa bansa.
Sa paghimay ng Senado sa 2021 budget ng Department of Education (DepEd) at Department of Energy (DOE) ay inamin ng DepEd na P3.85 billion ang kakailanganing pondo para mabigyan ng kuryente ang mga paralan habang sa panig ng DOE ay P25 billion ang kailangan para matanggal ang backlog sa household connections.
Sa paghimay ng Senado sa P667 billion budget ng DPWH sa taong 2021, lumilitaw na P447B dito ay para sa mga congressional district, nasa P620M hanggang P15 billion ang infrastructure projects ng bawat kongresista. Nadiskubre rin na mayroong mga double funding, overlapping projects sa mga distrito at biglaang insertions sa budget nang magpalit ng liderato sa Kamara at maupo si House Speaker Lord Allan Velasco.
Sinabi ni Lacson na sa laki ng insertions sa budget na ginawa ng Kamara ay sapat na sana para tulungan ang mga lugar na nasalanta ng mga nakalipas na bagyo.
Aniya, sa kanilang pagbusisi sa inaprubahang budget ng Kamara ay malinaw na mayroon pa rin “pork barrel” ang mga kongresista na naiba lamang ang pangalan ngunit parehas lang ang sistema.
“Hindi pork. Pero ‘di rin nabago. Hindi pork ang tawag, kasi walang post-enactment identification. Identified na. Kaya ang nangyayari, iniikutan nila ang SC ruling.
Sa General Appropriations Bill (GAB) pa lang pina-identify ang proyekto, so walang pork in the strictest sense of the word. Pero sa implementation hindi nawawala ang commission,” paliwanag ni Lacson kung saan mas mataas na budget umano ay mas mataas na komisyon.
Nang hingan ng reaksyon ay tumangging magkomento sa naglalakihang infracture funds si Speaker Velasco, sa halip ay ipinasa niya ang pagsagot kay House Appropriations Chairman Eric Yap na hindi rin nagbigay ng reakyon gayundin si House Minority Leader Joseph Stephen Paduano.
187
